PINAALALAHANAN ni Senator at chairman ng Senate Committee on Health na si Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na samantalahin ang streamlined medical assistance na iniaalok sa 154 Malasakit Centers na nakakalat sa buong bansa upang unahin nila ang kanilang kalusugan at kapakanan nang hindi mabigatan sa mga gastos.
Sa isang panayam noong Lunes, Enero 23, inilarawan ni Go ang napakahirap na proseso na kailangang pagdaanan ng mga Pilipino para lamang makahingi ng tulong medikal sa gobyerno bago maitatag ang mga Malasakit Center.
“Noong unang panahon po, wala pang Malasakit Center ang mga kababayan natin. Kung meron silang kailangang tulong sa kanilang pagpapaospital o billing, lalapit po ‘yan sa iba’t ibang opisina,” pahayag ni Go.
“(Halimbawa), Lunes pupunta po ‘yan sa mga city hall, provincial hall o sa mga opisina po ng ating governor or mayor. Martes po, pupunta ‘yan sa PCSO, pipila, kahit madaling-araw. Miyerkules po, pipila ‘yan sa DOH. Huwebes po, pipila ‘yan sa DSWD. Biyernes po, ipo-proseso naman Philhealth.
“Ubos po ang panahon nila, ubos po ‘yung pamasahe sa kakapila at paghingi ng tulong. Kaya doon ko po naisipan po ito noong 2018 na ilagay po sa isang kwarto (ang mga ahensyang ito),” patuloy ni Go.
Sinabi ng senador na ang mga pakikibaka na ito ang nag-udyok sa kanya na simulan ang nasabing programa at kalaunan ay pangunahing nag-akda at nag-sponsor ng Republic Act No. 11463, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers sa pamamagitan ng batas na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
Sa ilalim ng RA 11463, o mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019, lahat ng ospital na pinamamahalaan ng DOH sa buong bansa at ang Philippine General Hospital sa Maynila ay inaatasan na magtatag ng sarili nilang Malasakit Center. Ang mga ospital na pinamamahalaan ng mga yunit ng lokal na pamahalaan at iba pang mga pampublikong ospital ay maaari ring magtatag ng kanilang sarili basta’t natutugunan nila ang isang karaniwang hanay ng mga pamantayan upang magarantiya ang pagpapanatili ng mga operasyon ng sentro.
“Ngayon po ay batas na ito. Noong naging senador ako noong 2019, isinulong ko po ito sa tulong ng mga kasamahan ko sa Kongreso at Senado, pinirmahan ni dating pangulong (Rodrigo) Duterte. Institutionalized na po ang Malasakit Center para po ito sa Pilipino, para po ito sa poor and indigent patients, handang tumulong po sa ating mga kababayan,” ayon pa sa senador.
Sa kasalukuyan ay mayroong 154 Malasakit Centers sa buong bansa, ang pinakahuli ay inilunsad noong Enero 18 sa Camiguin General Hospital sa Mambajao na mismong dinaluhan ni Go.
“Ako naman po, kung ano ang mabilis na serbisyo iyon ipaglalaban ko. Sabi ko nga, bakit natin papahirapan ang Pilipino, pera naman nila ‘yan na dapat pong ibalik sa kanila sa pamamagitan ng mabilis at maayos na serbisyo.
“Noong Nobyembre, nagbukas tayo ng 153rd (Malasakit Center) para po sa OFW Hospital. Ito po ‘yung pangarap natin noon na magkaroon ng sariling hospital para sa mga OFW,” diin ni Go.
“Ise-segue ko na lang po, pangarap natin na magkaroon ng departamento noon, natupad na po ito, ‘yung Department of OFW o Department of Migrant Workers. Tapos nagkaroon din po sila ng sariling hospital dyan po sa Pampanga. Ngayon po, nilagyan po natin ng Malasakit Center doon po mismo sa OFW Hospital para po ‘yan sa mga kababayan nating OFW.”
Ayon sa DOH, mahigit pitong milyong pasyente ang natulungan ng Malasakit Centers program at nakapagbigay ng kabuuang PhP50.8 bilyong tulong mula nang mabuo ito noong 2018. Ang partikular na tulong na binanggit ng DOH ay ibinigay sa pamamagitan ng programang Medical Assistance for Indigent Patients nito, na maaaring ma-access sa mga sentrong ito.