ALOK NA TULONG NG PRIBADONG SEKTOR SA PAG-ANGKAT NG BAKUNA KAILANGAN NANG AKSI-YUNAN

JOE_S_TAKE

ISANG taon na ang nakaraan mula nang opisyal na tawaging pandemya ang COVID-19. Isang taon na rin ang nakaraan mula nang ipatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ). Isang taon na ang nakaraan, ngunit tila muli tayong bumabalik sa simula dahil sa muli na namang pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso kada araw.

Noong ika-9 ng Marso ay opisyal na umabot sa 600,000 ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Dalawang linggo lamang ang nakararaan ay tumaas na sa halos 664,000 ang kabuuang bilang na ito.

Sa loob lamang ng nakaraang tatlong araw, mula ika-19 hanggang ika-21 ng Marso, halos 23,000 na ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Noong ika-20 ng Marso 2021 ay naitala ang pinakamataas na bilang ng positibong kaso sa loob ng isang araw sa bilang na 7,999 mula nang nagsimula ang pandemyang ito sa bansa.

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa humigit kumulang 73,000 o 11% ng kabuuang bilang ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Samantala, ang bilang naman ng namatay ay nasa halos 13,000. Ang mga naitalang gumaling mula sa pagkakasakit ng COVID-19 ay kasalukuyang nasa higit 577,000.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 114 ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na may kaugnayan sa bagong uri ng nasabing virus. Kabilang na rito ang anim na kaso ng uri ng COVID-19 virus na nagmula mismo sa ating bansa na tinawag na P.3. Bukod dito, mayroon ding naitalang 46 na kaso ng B.1.1.7 na uri ng COVID-19 na mula sa Britanya. 62 naman ang bilang ng kaso na sanhi ng B.1.351 na mula sa South Africa. Sa kasalukuyan, 223 na kaso ng COVID-19 sa bansa ay sanhi ng uri mula sa Britanya, at 152 naman ang mula sa South Africa.

Sa kasalukuyan, ang Filipinas ay pumapangalawa sa bansang Indonesia sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Timog Silangang Asya.

Bukod sa National Capital Region (NCR), natukoy din ang CALABARZON, Central Visayas, at Central Luzon bilang mga lugar na may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Bilang tugon ay naglabas ng bagong panuntunan ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases kaugnay ng muling pagtaas ng positibong kaso kada araw.

Bagama’t  hindi naman magpapatupad ang pamahalaan ng lockdown sa NCR sa susunod na dalawang linggo, magiging mahigpit naman ang mga ito sa nasabing mga lugar upang makontrol ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang  press briefing noong ika-21 ng Marso, ipinahayag  ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang detalye ng  bagong panuntunang ipatutupad ng IATF epektibo sa ika-22 ng Marso, 2021 hanggang ika-4 ng Abril.

Sa ilalim ng bagong mga panuntunan, ang dating pinapayagan na bilang ng mga taong maaaring dumalo sa mga kaganapan gaya ng mga kasal, binyag, at iba pa, ay ibinaba. Mula sa 30, ito ay ginawang 10 na lamang. Iniutos din ng IATF ang pansamantalang paghinto sa operasyon ng mga driving school, tradisyonal na sinehan, mga arcade, library, mga museum at archives, mga sabungan, at iba pang cultural center.

Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), mahigpit ding ipinagbabawal ang paglabas sa bahay ng mga menor de edad at mga senior citizen na may edad 66 pataas. Samakatuwid, ang maaari lamang lumabas ng bahay ay ang mga may edad 18 hanggang 65.

Dagdag sa nauna nang ipinatupad na uniform curfew sa Metro Manila, ipinaalala rin at binigyang- diin ng IATF ang matinding pangangailangan sa pagsunod sa mga protokol na pangkalusugan at pangkaligtasan gaya ng pagsunod sa social distancing, pagsuot ng face mask at face shield sa mga pampublikong lugar.

Sa aking personal na pananaw, kasabay ng mga bagong panuntunan na ipatutupad ng pamahalaan ay kailangan ding muling pag-aralan ang kasalukuyang sistema ng pamamahagi ng bakuna sa bansa kung epektibo pa ba ito kaugnay ng tumataas na bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ang muling pagtaas ng bilang ng positibong kaso kada araw sa kabila ng pagsisimula ng pamamahagi ng bakuna ay tila senyales na mukhang kailangang baguhin ang istratehiya ng pamahalaan ukol sa pamamahagi ng bakuna, at gawin itong mas naaangkop sa kasalukuyang kalagayan ng ating laban kontra COVID-19. Marahil mas mainam kung gawing prayoridad sa pamamahagi ng bakuna ang mga lugar na natukoy na may mataas na bilang ng COVID-19 upang mas makontrol ang pagkalat nito.

Kailangan ding madaliin ang pagdating ng mga susunod na dosis ng bakuna sa bansa. Kailangang mas paigtingin at gawing mas naaangkop sa sitwasyon ang pamamahagi ng bakuna sa mga mamamayan. Kailangang siguraduhin ang mabilis na pagdating ng mga dosis ng bakuna at ang mabilis at maayos na pamamahagi nito.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tatlong linggo matapos simulan ang pamamahagi ng bakuna sa bansa, tinatayang nasa 336,656 na ang bilang ng mga nabakunahan sa bansa. Dagdag pa niya, 98.2% o 1,105.600 mula sa kabuuang bilang na 1,125,600 na bakuna na ang naipamahagi sa bansa. Ang mga dosis ng bakuna na kasalukuyang ipinamamahagi ay ang dosis mula sa Sinovac at AstraZeneca.

Sa kasalukuyan, nasa 1,623 ang bilang ng mga vaccination site para sa mga healthworker mula sa 17 na rehiyon sa bansa.

Malinaw sa mga datos na inilalabas sa publiko na kailangan pang mas paigtingin ang pagkuha ng bakuna at ang pamamahagi nito. Nawa’y huwag din sanang pagbawalan ng DOH ang ibang miyembro ng pribadong sektor na bumili ng mga bakuna para sa mga empleyado nito. Napabalita kasing binabalak pagbawalan ng DOH ang ilang mga miyembro ng pribadong sektor na bumili ng sarili nitong bakuna.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, walang awtorisasyon ang DOH na gawin ito. Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 kada araw, napakahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng pribadong sektor na makakuha ng sarili nitong bakuna upang makatulong sa pagkontrol ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act, pinapayagan ang mga pribadong kompanya na bumili ng bakuna sa pakikipagtulungan sa DOH. Ito ay bilang pagkilala sa responsibilidad at papel na ginagampanan ng pribadong sektor sa laban kontra COVID-19.

Hindi ito ang panahon para mamulitika. Kailangang magtulungan ang lahat ng miyembro ng bawat sektor upang makontrol ang tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Huwag natin hayaang umabot na naman tayo sa punto na kakailanganin na namang magpatupad ng ECQ ang pamahalaan. Nakita naman nating lahat ang naging epekto sa ekonomiya at sa bawat miyembro ng lipunan ng pagpapatupad ng ECQ sa loob ng ilang buwan noong nakaraang taon.

Kailangang magpatuloy ang operasyon ng ekonomiya. Nagsisimula pa lamang tayong makabangon mula sa matinding epekto ng pandemya. Huwag nating hayaang maantala nanaman ito. Ako ay naniniwala na hindi natin kailangang muling ikompromiso ang ating ekonomiya upang masugpo ang pandemyang COVID-19 lalo na’t nariyan na ang bakuna kontra rito.

Comments are closed.