MAGPAPAUTANG ang Department of Trade and Industry (DTI) ng P5,000 hanggang P500,000 sa micro at small businesses na nawalan ng kita dahil sa ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez III, ang pautang para sa micro businesses ay mula P5,000 hanggang P200,000, habang sa small businesses ay mula P200,000 hanggang P500,000.
Ang loan ay maaaring bayaran sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon na may 0.5% buwanang interes. Hindi muna maniningil ng dues sa unang tatlo hanggang anim na buwan, depende sa halaga.
“This loan is for micro and small business, including those who bought a car on loan for Grab services. Ang micro and small businesses, zero to P3 million ang asset. Ito iyong mga tindahan, carinderia,” wika ni Lopez.
“Kapag over P3 million, small business iyon. Ito iyong maliliit na grocery, talyer at iba pang negosyo na walang kita [ngayong enhanced community quarantine],” dagdag pa niya.
Sakop din, aniya, ng pautang ang mga Grab driver.
“Iyong nag-invest ng kotse para maibiyahe, puwede silang mag-loan sa gobyerno kasi may binabayaran sila buwan-buwan na amortization eh.”
Ang loan application ay maaaring isagawa online o sa anumang 1,100 negosyo centers ng DTI sa buong bansa.
“This will be a working capital replacement, pantawid na pondo para sa obligasyon na bayarin na mga negosyo. Puwedeng pambayad sa suweldo, utility bills, at sa monthly amortization nga ng kotse,” sabi pa ni Lopez.
Wala rin aniyang hihinging kolateral sa pautang malibam sa Grab drivers na maaariing gawing kolateral ang kani-kanilang kotse kung nais na mangutang ng mas malaking halaga.
“Walang kolateral, pero iyong sa Grab, kung kasya sa allowable loan type iyong hihiramin mo at puwede mo na itong ipambayad doon sa car loan na mas mataas ang interest, magiging collateral iyong kotse kasi dito ka na sa gobyerno manghihiram ng pondo,” aniya.
“Pero kung sa Grab ka at maliit na amount lang naman ang hihiramin mo, hindi mo na kailangang i-collateral ang kotse,” dagdag pa ni Lopez.
Comments are closed.