(Alok ng Japanese gov’t)TRABAHO PA MORE SA MGA PINOY

PH-JAPAN

MARAMI pang trabaho ang alok ng Japanese government, kasama ang Japan International Cooperation Agency (JICA), sa Pinoy nurses at skilled workers, ayon sa Office of the Vice President.

Sa isang courtesy call kay Vice President Sara Duterte noong Miyerkoles, ibinunyag ni Japanese Minister for Health, Labour, and Welfare Katsunobu Kato na 54.7% ng Filipino caregivers na kumuha ng examination para sa Japan noong Marso ang nakapasa, ang pinakamataas na naitala para sa Filipino examinees sa nakalipas na 10 taon.

Aniya, ang mga hindi pumasa sa caregivers’ examination ay maaari pang magtagal sa Japan at bibigyan ng pagkakataon na muling kumuha ng pagsusulit.

Ayon pa kay Kato, kailangan nila ng mas maraming Filipino nurses para magtrabaho sa Japan sa ilalim ng Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA).

Nangangailangan din ang Japan ng skilled workers para sa construction at industrial waste treatment.

Sinabi ng OVP na nagpahayag din ng interes ang Japanese delegation sa pagpapalakas sa education at economic cooperation sa pagitan ng Japan at ng Pilipinas.

Samantala, inihayag ni JICA Representative Sakamoto Takema ang mga programa at proyekto na nais ipagkaloob ng Japan sa bansa, kabilang ang training para sa pag-unlad ng Philippine education sector ngayong taon.

“This year we succeeded to convince Tokyo to give more courses and seats for your DepEd (Department of Education) officials and teachers,” pahayag ni Takema kay Duterte, na siya ring Education secretary.