(Alok ng JobStreet, CSC sa online jobs fair)40K TRABAHO SA GOBYERNO

MAHIGIT sa 40,000 government jobs sa 120 ahensiya ang iaalok ng JobStreet kasama ang Civil Service Commission (CSC) sa isang online jobs fair.

Ayon sa JobStreet, layon ng partnership na mabigyan ng access ang mga talent sa mga kaugnay na trabaho sa gobyerno gamit ang digital tools na available ngayon.

Sinabi nito na nahihirapan ang mga bagong graduate sa paghahanap ng trabaho dahil sa pandemya.

“For two years since the pandemic, JobStreet and the Civil Service Commission have successfully helped Filipinos find government jobs through online channels. With this year’s online career fair, we hope we’ll be able to empower more candidates with future-ready opportunities,” sabi ng JobStreet Philippines Country Manager Philip Gioca.

Ang jobs fair ay gaganapin kapwa sa JobStreet website at mobile app sa Sept. 14-23, na inilunsad din bilang paggunita sa ika-122 anibersaryo ng CSC.

Kabilang sa mga trabahong iaalok ay guidance counselor, administrative aide, revenue officer, engineer, planning officer, medical officer, nurses, project development officer, accountant, auditor, executive assistant, at information technology officer.

Ayon sa JobStreet, ang mga ahensiyang lalahok sa event ay kinabibilangan ng Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resource (DENR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Elections (COMELEC), Development Bank of the Philippines (DBP), at Energy Regulatory Commission (ERC).