(Alok ng LTFRB) LIBRENG SAKAY SA 2-DAY TRANSPORT STRIKE

MAGKAKALOOB ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng libreng sakay upang matulungan ang mga commuter na maaapektuhan ng 2-araw na malawakang tigil-pasada sa Abril 15 at 16.

Ginawa ng LTFRB ang pahayag kasunod ng anunsiyo ng transport groups na Piston at Manibela na magsasagawa sila ng nationwide transport strike sa susunod na linggo sa gitna ng nalalapit na deadline para sa consolidation ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators.

“The LTFRB will adhere to its standard operating procedure by coordinating with relevant government agencies and LGUs should a transport strike push through,” sabi ng LTFRB sa isang statement.

“Rest assured, ‘Libreng Sakay’ vehicles will once again be dispatched to assist affected commuters,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na may 30,000 jeepney drivers sa Metro Manila at 100,000 sa iba pang mga lugar sa bansa ang inaasahang lalahok sa protesta.

Sa kabila ng nakatakdang tigil-pasada, sinabi ng LTFRB na dapat makumpleto ang PUV consolidation sa April 30, tulad ng ipinag-utos ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Jeepney operators are urged to avail of the final extension, as those who fail to consolidate by the deadline will have their franchises revoked,” ayon sa LTFRB.

Gayunman, iginiit ni Valbuena na tanging Kongreso ang may kapangyarihan na magpawalang-bisa sa mga prangkisa.

Kapwa sinabi ng Piston at Manibela na papasada pa rin sila kahit matapos ang April 30 deadline ng consolidation.

“Tatakbo kami sa May 1. Kongreso lang ang puwedeng magtanggal sa prangkisa. Tatakbo at tatakbo kami, kung hulihin ninyo kami, kami na mismo ang lalapit sa inyo,” ani Valbuena.

Nanawagan naman ang LTFRB sa mga lalahok sa protesta na huwag harangin ang mga jeepney driver na nais pumasada.