(Alok ng Warriors) FIVE-YEAR, $190-M MAX DEAL KAY THOMPSON

Klay thompson

INAASAHANG aalukin ng Golden State Warriors si All-Star shooting guard Klay Thompson ng five-year, $190 million max contract ngayong Linggo (Lunes sa Manila) sa pagbubukas ng free agency.

Sa ulat ng ESPN, sinabi ni Thompson at ng kanyang agent na si Greg Lawrence noong nakaraang taon na babalik ang 29-anyos na guard sa Golden State kapag inalok ito ng full five-year max deal.

Ang five-time All-Star ay nagtamo ng torn ACL sa kaliwang tuhod sa Game 6 ng NBA Finals laban sa Toronto Raptors, subalit batay sa report, gagawin ng Warriors ang lahat para manatili si Thompson sa koponan.

Si Thompson ay kinuha 11th overall ng Warriors sa 2011 draft. Sa walong  seasons sa Golden State, may average siya na 19.5 points at may 41.9 3-point shooting percentage. Noong nakaraang season ay may average siya na 21.5 points at bumuslo ng 40.2 percent mula sa 3-point area.

Ang Warriors ay nanalo ng tatlong kampeonato at umabot sa limang NBA Finals na kasama si Thompson.

Inanunisyo rin ng Golden State ang multi-year contract extensions para kina  general manager Bob Myers at chief operating officer Rick Welts.

Si Myers, nagsilbi ring presidente ng basketball operations sa loob ng tatlong taon, ay nakapag-serve ng walong seasons bilang GM. Napabilang si Welts sa Warriors organization noong Setyambre 2011, makaraang magsilbi sa front office ng Phoenix Suns.

Yumuko ang Warriors sa Raptors sa Game 6 ng NBA Finals. Nakopo nila ang back-to-back titles noong 2017-18.

Comments are closed.