MAHIGIT sa 15,000 trabaho rito at sa ibang bansa ang iaalok sa ‘hybrid’ fairs para sa ika-88 founding anniversary ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa DOLE, may kabuuang 224 employers ang lalahok sa job fairs na mag-aalok ng 15,569 trabaho.
Sa naturang bilang, 12,598 ang local jobs na iaalok ng 189 employers. Karamihan sa mga ito ay para sa customer service representatives, production workers, sewers, sales associates, salesmen, office staff, helpers, at kitchen crew.
May 35 recruitment agencies naman ang mag-aalok ng 2,971 overseas jobs.
Ang mga trabaho sa ibang bansa ay para sa registered nurses, bakers, auto mechanics, household service workers, at kitchen crew sa Saudi Arabia, United Kingdom, Germany, Japan, Kuwait, at Qatar.
Kumbinasyon ng limited face-to-face at online job fairs ang isasagawa sa National Capital Region, Bicol Region, Central Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Sa Metro Manila, ang face-to-face job fair ay idaraos sa DOLE Labor Governance Learning Center, San Jose Street, Intramuros, Manila sa December 6. Ang mga aplikante para sa online job fair ay kailangang mag-pre-register sa JobQuestPH portal.