ALOK SA MGA TAGA-TAGAYTAY NA NAGING JOBLESS: CASH FOR WORK PROGRAM

Clyde Yayong

INILUNSAD ng pamahalaang lokal ng Tagaytay ang ‘cash for work’ program para sa mga residente ng lungsod na nawalan ng trabaho kasunod ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Ayon kay Clyde Yayong, chief ng Tagaytay City Disaster Risk Reduction Management Office, babayaran ang mga sasali sa programa ng P416 ka-da araw, o katumbas ng minimum wage rate sa Calabarzon region, para sa mga trabaho gaya ng paglilinis sa mga kalye at pagluluto sa evacuation sites.

“’Yong mga naapektuhan, talagang nawalan ng trabaho ang maka-avail nito,” ani Yayong.

Marami na ang nag-avail ng programa, kabilang ang mga nagtatrabaho sa Picnic Grove sa Tagaytay na dahil sa biglaang pagbuga ng abo ng Bulkang Taal noong nakaraang Linggo ay nagsara ang parke nang mabalot sa volcanic ash.

Sa isang iglap ay nawalan sila ng trabaho, gayundin ang marami pang mga taga-Tagaytay na umaasa sa turismo.

“Nawala po ‘yong mga turista… walang income,” malungkot na pahayag ng isang manggagawa.

Umaasa naman sila na mabilis silang makababangon mula sa kalamidad dahil na rin sa tulong at suporta ng pamahalaang lungsod.

Ilang establisimiyento na rin sa lungsod tulad ng mga hotel, restaurant at  mall ang nagbalik na rin sa operasyon bagama’t lagi silang nakaalerto dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal.     PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.