(Alok sa PH-Japan Friendship Week) 25K TRABAHO SA ABROAD

MAY 25,000 job opportunities ang iniaalok para sa mga Pilipino na naghahanap ng trabaho sa Japan.

Sa isang post sa social media, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang special job fair ay inorganisa kasama ang Embassy of Japan bilang pagdiriwang ng Philippines-Japan Friendship Week.

Ang okasyon na tinawag na “Konnichiwa Pilipinas! Kumusta, Japan!” ay gaganapin sa 3rd floor ng Robinsons Galleria Ortigas sa Quezon City sa Agosto 1, mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Labinlimang lisensiyadong recruitment agencies ang makikiisa sa job fair na iaalok ang mga trabaho sa sektor ng construction, medical and healthcare, hotel and restaurant, at customer services.

Sinabi ng DMW na ang kaganapan ay naglalayong magbigay ng isang venue para sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho upang ma-access ang mga lehitimong recruiter.

Pinapayagan din nito ang mga potensiyal na manggagawa sa ibang bansa na matutunan ang tungkol sa gender dynamics at mga potensiyal na panganib na nauugnay sa paglipat ng mga manggagawa sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga maikling sesyon ng impormasyon tungkol sa Japanese-gendered work culture.

Sa Proklamasyon Blg. 854, na nilagdaan noong 2005 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ay nagdedeklara sa Hulyo 23 kada taon bilang Friendship Day sa pagitan ng Japan at Pilipinas bilang pagkilala sa Peace Treaty and Reparations Agreement na pinirmahan ng dalawang bansa noong Hulyo 23, 1956.

Minarkahan din nito ang pagsisimula ng diplomatic relations sa pagitan ng Japan at Pilipinas. EVELYN GARCIA