PINAGBIGYAN ng National Water Resources Board (NWRB) ang apela ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na panatilihin ang 50 cubic meters per second (cms) na alokasyon ng tubig sa Metro Manila sa buwan ng Mayo mula sa Angat Dam sa gitna ng nararanasang matinding init upang maiwasan ang water interruption sa mga sineserbisyohan nitong lugar.
Ayon kay MWSS Water and Sewerage Management Department manager Patrick Dizon, ang pag-apela ay isinagawa ng MWSS sa naganap na pagpupulong ng ahensiya sa mga kasapi ng Angat Technical Working Group (TWG).
Pumayag ang NWRB sa naging kahilingan ng MWSS.
Sinabi ni Dizon na bagamat ang mga representative ng NWRB ay nangako, kailangan pa rin ng pinal na decision ang tungkol dito ng NWRB Board.
Ang Angat TWG ay pinamumunuan ng NWRB. Bukod sa MWSS, ang ibang kasapi ng TWG ay ang National Irrigation Administration at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Hiniling ng MWSS ang pagpapanitili ng naturang water allocation dahil sa forecast ng PAGASA na mananatili pa rin ang matinding init ng panahon dulot ng high heat index, na nasa kategorya ng danger level sa mga susunod na araw.
Ang water elevation sa Angat Dam ay may naitalang pagbaba sa 0.47 meters bandang alas sais ng April 26 kung kaya ito umabot sa 190.07 meters na mas mababa sa pinakahuling naitala nitong level na 190.54 meters.
Bagamat 21.93 meters itong mas mababa sa normal high water level na 212 meters, subalit 10.07 meters pa rin itong mas mataas sa minimum operating level na180 meters.
Inaasahang bababa ito sa critical level na 160 meters kapag patuloy ang pag -init ng panahon sa mga susunod na buwan.
Ayon naman kay Maynilad corporate communications head Jennifer Rufo, ang kanilang kompanya ay patuloy na nagpapatupad ng supply augmentation initiatives upang maiwasan ang water interruption sa gitna ng pagbaba ng level ng tubig sa Angat Dam na pinagkukunan ng 90 porsiyento ng water supply ng Metro Manila at karatig pook.
Sinabi ni Rufo kung umabot sa puntong magkakaroon ng water interruption ay sisiguraduhin nilang sa gabi lang ito isasagawa dahil malakas ang pangangailangan ng tao sa gitna ng mainit na panahon.
Para naman kay Environment Undersecretary Carlos David, kung ang pagbaba ng water elevation sa Angat Dam hanggang April 30 ay bahagya lamang, malamang na bababaan ng 1 cms lamang ang alokasyon sa tubig ng Metro
Manila sa susunod na buwan. Maaari umanong umabot din sa 2 cms ang ibabawas sa alokasyon kung makaranas ang Angat Dam ng mas mababang water elevation sa susunod na buwan.
Bukod sa pagsusuplay ng 90 porsiyento ng potable water sa Metro Manila, ang Angat Dam din ang nagsusuplay ng tubig sa irrigation ng 25,000 ektaryang sakahan sa Bulacan at Pampanga. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia