BINAWASAN ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila.
Gayunman, tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang hakbang ay hindi mangangahulugan ng water supply interruptions.
Ayon kay DENR Undersecretary Carlos Primo David, ang alokasyon para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay ibinaba mula 50 cubic meters per second sa 49 cubic meters per second simula noong Huwebes hanggang katapusan ng Mayo.
“Maliit siya in terms of the total volume. 2% lang siya ng 50 (cubic meters per second.) Pero ang 1 cubic meter per second kasi is good as a supply for about 400,000 people,” pahayag ni David sa GMA Integrated News.
“Wala pa ring magiging interruptions na mangyayari. Ang pinakamararanasan ng ilan sa ating mga residente ay ang pagbaba ng water pressure even during the day time,” ani David.
“Actually, lahat halos tayo nakakaranas na ng kaunting pagbawas ng pressure during off-peak hours from 10 p.m. hanggang 4 a.m.”
Sa kabila ng mga pag-ulan noong mga nakaraang araw ay sinabi ni David na hindi pa rin tumaas ang water levels sa mga dam.
“Unfortunately, most of the rains, they fall within the metro. Ang kailangan natin, ‘yung ulan na mahulog doon banda sa Angat at saka sa Ipo Dam. Kahit sa La Mesa Dam man lang,” paliwanag ni David.