ALON ALON DRUG GROUP LEADER, 3 PA ITINUMBA

LAGUNA – APAT na kalalakihan kabilang ang itinuturo umanong lider ng “Alon Alon Drug Group” ang magkakasunod na nasawi matapos pagbabarilin ng walong armadong kalalakihan sa loob ng isang Auto Shop sakop ng Bgy. San Vicente, lungsod ng Binan, Linggo ng hatinggabi.

Base sa ulat ni PLt. Col. Giovanni Martinez, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang lider ng nasabing grupo na si
James Anthony Alon Alon y Almarines, 40-anyos ng Bgy. Dela Paz; Jason Mangahis, 43-anyos ng Bgy. Macabling, Sta. Rosa City; magkapatid na Custer Tanael at Carlo, pawang mga residente ng Bgy. San Vicente.

Batay sa ulat ni Martinez, dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente habang nasa loob ng naturang shop ang grupo ni Alon Alon nang biglang sumulpot ang mga suspek at pinaulanan sila ng bala.

Magkakasunod na isinugod sa Ospital ng Binan ang mga biktima kung saan binawian ng buhay ang mga ito habang nilalapatan ng lunas sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanilang ulo at katawan.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril lulan sa hindi pa mabatid na sasakyan patungo ng kabayanan.

Samantala, lumilitaw sa talaan ng pulisya na si Alon Alon ay dati ng naaresto at napiit sa lungsod ng Sta. Rosa noong 2018 dahil sa droga kung saan nagawa nitong makalaya makalipas ang ilang buwan.

Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya sa posibleng motibo sa naganap na krimen kung may kaugnayan umano ito sa kanilang mga personal na gawain. DICK GARAY

Comments are closed.