ALS PASSERS PUWEDENG MAG-COLLEGE

ALS

PAPAYAGAN ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga pampubliko at pribadong paaralang pangkolehiyo o Higher Education Institutions (HEIs) sa buong bansa na tumanggap ng  completers ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education.

Ang tatanggapin lamang ay mga estudyanteng nakapasa sa Accreditation and Equivalency (A&E) Test – High School (HS) level.

Kamakailan, nag-isyu ang CHED ng Memorandum Order (CMO) No. 10 o entitled Policy on Alternative Learning System Completers and Passers of the A&E Test in Relation to the Implementation of the K to 12 Basic Education Program bilang suporta sa kautusan ng DepEd na Order No. 27 (DO 27) na inilabas kamakailan kaugnay ng ALS.

Binigyang-diin ng polisiya na mula sa AY 2018-2019 at sa mga susunod pang academic years, “ang mga pa­sado sa A&E Tests HS level, at ang pumasa sa November 2017, March 2018 at sa 2019 A&E Tests HS level, na High School Graduate ng dating basic education curriculum for ALS, ay tatanggaping first year students sa bagong higher education curricula,” kung papasa sila sa admission policies and requirements ng Higher Education Institutions (HEIs)” o uni­bersidad na kanilang napili.

Upang masiguro ang kahandaan ng estudyante, puwede umanong magpatupad ang HEIs ng bridging programs sa mga asignatura ng general education.

Dagdag pa rito, pinaalalahanan din ang HEIs na kaila­ngang iprisinta sa kanila ng mga estudyante ang kanilang certification na hindi bababa sa 60% passing score.

Dapat ding authenticated na may pirma ng schools division superintendent (SDS) ang nasabing sertipiko, at selyado ng schools division office.

Ito umano ang reresolba sa kalituhan ng hindi pagtanggap ng ilang HEIs sa  ALS passers na may certifications with eligibility para makapasok sa Senior High School.

Kahit nakapagsimula na ang klase ngayong Hunyo, papayagan pa rin ang mga ALS passer na makaalis sa HEIs kung saan sila nag-enroll para sa academic calendar ng Agosto. Puwede rin umano nilang  konsiderahing mag-enroll sa skills development programs sa TESDA o Grade 11.      NENET L. VILLAFANIA

 

Comments are closed.