Alter-Ego Solo Exhibition ni Puruganan, hinangaan

ni Riza Zuniga

NABIGHANI  ang mga art collectors at artists sa mga obrang ipinamalas sa pagbubukas ng solo exhibition na “Alter-Ego,” sa Artablado, Level 3 ng Robinsons Galleria.

Sa unang pagkakataon, isang international artist ang nabigyan ng pagkakataong maitampok ang kanyang mga kasalukuyang paintings at sculpture. “Bihira ang solo exhibition ko,” pahayag ni Victor Puruganan. Ang kanyang nasasalihan ay group exhibition sa ibang bansa, katulad ng Korea, Taiwan, at US.

Sa siyam na anak ni Ricarte Puruganan, si Victor ang ika-pitong anak. Sadyang napakabata pa ni Victor nang matuklasan ng ama ang pambihirang talento niya kung kaya’t siya ay sinuportahang makapag-aral ng Associate Fine Arts Degree sa City College of San Francisco mula 1981 hanggang 1991.

Sa karagdagang pahayag ni Victor: “There is no doubt in my mind that this is one of the greatest gifts of God to man.

The ability to be complex. The ability to adapt and evolve. The ability to change. The ability to be versatile. The ability to have Alter-Egos, each with a defined purpose and role in both our personal lives and our communities.”

Tunay na ipinadama ni Victor ang kanyang malaking pasasalamat sa Panginoon sa pagbibigay sa kanya ng mga biyaya at ang mga ito ay mababanaag sa mga obrang kanyang inihanda sa Artablado. Sa bawat guhit kalakip ang pasasalamat, sa bawat kulay pinagtitibay nito ang kakayahang makabuo ng sariling estilo, at sa bawat eskulturang naipakita sa publiko, paglalarawan ito ng angking talino at kakayahan na isa siyang Puruganan na maipagmamalaki ng mga kapwa niya Ilocano.

Kung babalikan ang kasaysayan, ang kanyang ama na si Ricarte Puruganan ay isang bantog na alagad ng sining at tinaguriang isa sa Philippine Thirteen Moderns. Siya rin ang kauna-unahang dekano ng College of Fine Arts sa University of Sto. Tomas.