ALTERNATIBONG GAMOT VS COVID-19 APRUB SA PASAY

BUKAS ang pamahalaang lungsod ng Pasay sa paggamit ng Ivermetctin gayundin sa iba pang alternatibong uri ng gamot kontra COVID-19 kung masesertipikahan lamang ang mga ito na ligtas at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, naniniwala ito sa karunungan at pagkaeksperto ng mga tao sa FDA at kumbinsido na hindi basta irerekomenda ang naturang gamot na makakasama sa mga publiko.

Idinagdag pa nito, kinakailangan ang lahat ng puwedeng makuhang tulong lalo pa sa panahon ngayon ng pandemya at kung ang isang alternatibong medisina ay makatutulong sa paggaling ng isang taong may virus ay gagamitin ito.

“Sobrang paghihirap na po ng ating mga kababayan dahil sa COVID-19 na ito at marami na rin akong nakita na binawian ng buhay kaya kung makakatulong po ang Ivermectin at iba pa gaya ng virgin coconut oil at aprubado naman ng FDA ay suportado ko po ang paggamit nito,” dagdag pa ng alkalde.

Matatandaan na pinayuhan ni dating Health Secretary at herbal medicine advocate Dr. Jaime Galvez Tan ang paggamit ng mga natural na medisina upang mapalakas ang kanilang immune system para labanan ang nakamamatay na virus.

Samantala, iginiit ng alkalde na bagaman bukas ito sa paggamit ng Ivermectin ay wala pa ring mas mabuting gamot sa COVID-19 kundi ang pagsunod sa basic health protocols at physical distancing.
MARIVIC FERNANDEZ

One thought on “ALTERNATIBONG GAMOT VS COVID-19 APRUB SA PASAY”

Comments are closed.