ALTERNATIBONG MAPAGKUKUNAN NG SUPLAY NG GAS TATALAKAYIN SA SENADO

NATURAL GAS

NAKATAKDANG talakayin ngayon sa Senado ang panukalang  magtataguyod sa industriya ng natural gas sakaling tuluyan nang magsara ang Malampaya deep water gas-to-power project kapag nawalan na ito ng suplay at posibleng maging sanhi ng rotational brownouts sa susunod na taon.

Ang paghahain ng Senate Bill No. 1819, ayon kay Senador Win Gatchalian, ay isang hakbang para sa paghahanda sa na-pipintong pagkaubos ng suplay ng gas mula sa Malampaya-Camago wells.

Pangungunahan ni Gatchalian ang pagdinig bilang chairman ng Senate Energy Committee.

“Inaasahan ang pagbaba ang suplay ng gas mula sa Malampaya sa taong 2024 at bilang paghahanda, hinihikayat ng Department of Energy (DOE) ang pribadong sektor na magtayo ng receiving terminals para sa mga imported liquefied natural gas (LNG),” ani Gatchalian.

“At dahil wala pa tayong natutuklasang mapagkukunan ng suplay ng gas, mapipilitan tayong mag-angkat ng LNG upang masiguro ang patuloy na operasyon ng 3,200-megawatt na mga planta ng koryenteng umaasa sa suplay mula sa Malampaya,” pali-wanag ni Gatchalian.

Lima ang plantang sinusuplayan ng Malampaya project at ito ay kumakatawan sa 20 porsiyento ng koryenteng nagmumula sa Luzon grid batay sa impormasyon ng DOE Power Statistics noong 2019 at nagsusuplay ng 53.75 porsiyentong pangangailangan ng Meralco.

Dagdag sa suliraning kinakaharap sa Malampaya, bukod sa natutuyo nitong suplay, ay ang pagwawakas ng service contract nito sa taong 2024.

Naglabas ang DOE ng circular noong Nobyembre 2017 na bumabalangkas ng mga regulasyong dapat sundin ng mga stake-holders sa industriya ng downstream natural gas.

Subalit kinakailangan itong magkaroon ng kaukulang batas upang ganap na masaklaw ang lahat ng aspeto sa industriya ng mid-stream natural gas katulad ng transportasyon, transmission, storage, at marketing ng natural gas sa orihinal o liquefied nitong anyo.

“Dahil masalimuot ang midstream natural gas industry, kailangan ng isang komprehensibong batas upang mapunan ang mga puwang at mapaigting pa ang mga umiiral na mga polisiya. Kailangan natin ito upang maisulong ang potensiyal ng natural gas bilang isa sa mga pangunahing mapagkukunan ng suplay ng ener­hiya ng bansa,” dagdag ni Gatchalian.   VICKY CERVALES

Comments are closed.