ALTERNATIBONG PARAAN SA PAGTUTURO IMINUNGKAHI NI SEN. GO

SEN BONG GO

IMINUNGKAHI  ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa sektor ng edukasyon na gamitin ang teknolohiya upang paghandaan ang alternatibong paraan ng pagtuturo sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Sen. Go, dahil sa patuloy na hadlang sa physical mobility ng mga mamamayan ang banta ng COVID-19, hinihikayat nito ang sektor ng edukasyon na bumuo ng mga bagong pamamaraan kung paano makapagtuturo at matututo ang mga mag-aaral habang sumusunod sa physical distancing protocols.

Pinaalalahanan din ng senador ang concerned agencies at educational institutions na gabayan ang mga estudyante sa paghahanda para sa susunod na school year, lalo na’t inaasahan nang magsisimula na ang klase sa Agosto 24, kung kailan patuloy pa rin aniyang nilalabanan ng buong mundo ang COVID-19 pandemic.

“Hindi pa natin alam kung ano ang mangyayari sa susunod na mga buwan. Sinisikap po natin na ma-flatten na ang curve at matapos na ang krisis na ito. Pero hindi pa rin tayo dapat maging kampante kaya importanteng may precautionary measures pa rin in place para hindi na muling kumalat ang sakit,” aniya pa.

“Paghandaan natin kung papaano magpapatuloy ang ating pamumuhay sa panahon ng ‘new normal’. Maglatag na po tayo ng kailangang policies and protocols. Siguraduhin nating makapag-aral ang kabataan habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19,”  dagdag pa niya.

Hinikayat din ni Go ang mga educational institutions na galugarin ang mga posibleng online o distance learning programs para sa mga estudyante upang maipagpatuloy nila ang pag-aaral nang malayo sa panganib at hindi nadaragdagan ang pasanin nila at ng kanilang pamilya, na nahaharap na sa maraming hamon dahil sa COVID-19 crisis.

“Hindi naman po pwedeng tumigil ang kanilang pag-aaral,” ani Go. “…schools must also prepare their facilities and lay down protocols in preparation for the possible scenarios that students, teachers and education personnel will face when classes resume.”

Hinimok din ng senador ang pribadong sektor, partikular na ang telecommunication companies at media networks, na tumulong sa sektor ng edukasyon, sa pamamagitan ng pagpapahintulot na magamit ang kanilang platforms para sa educational purposes.

“Gamitin ang teknolohiya na available para sa distance learning tulad ng pagkakaroon ng virtual classrooms. May airtime rin na allotted for educational programs ayon sa batas, puwede po itong gamitin bilang alternative mode of teaching and learning,” dagdag pa niya.

Tinutukoy ni Go ang RA 8370 o ang Children’s Television Act of 1997 na nagsasaad na “a minimum of fifteen percent (15%) of the daily total air time of each broadcasting network shall be allotted for child-friendly shows within the regular programming of all networks granted franchises or as a condition for renewal of broadcast licenses hereinafter, to be included as part of the network’s responsibility of serving the public.”

Comments are closed.