‘ALTERNATIVE SOURCES OF ENERGY’

SA Pilipinas, kapag mainit, malakas ang konsumo ng koryente.

Sumasabay rin ang pagtaas ng generation charge sa elektrisidad sa oil price hikes.

Kaya tayong mga consumer ay doble-kayod para lumaki ang budget at may pambayad tayo sa tumataas na electric bill.

Mas malaki ang binabayaran ng consumers tuwing summer o tag-init dahil babad tayo sa aircon at electric fan.

Hindi rin naman puwedeng magtiis sa init.

Higit na mabuti ang gumastos ng medyo malaki kaysa naman dumanas ng heat stroke.

Mahal ang koryente.

Kung marami raw sana ang mga planta, babagsak ang halaga ng elektrisidad.

Ang problema nga lang daw sa Pilipinas, kahit pangalawa raw ito sa mga bansa sa Asya sa bilis ng pag-angat ng ekonomiya noong 2013, tila raw hindi nito alam ang gagawin sa sektor ng enerhiya.

Waring tali ang mga kamay ng pamahalaan tuwing nagkakaroon ng kakapusan sa suplay ng koryente.

Minsan nga, dumarating pa sa puntong kailangang magkaroon ng yellow alert ang buong Luzon dahil nangangaunti na ang panustos sa enerhiya.

Naaalala ko pa na mas malala ang problema sa power supply noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Lagi nilang sinasabi noon na kahit manipis lang ang power reserve, hindi naman daw ito sasapit sa pagkakaroon ng power failure o hindi babagsak.

Napapansin ko lang, madalas nagkakaroon ng problema sa suplay kapag may kalamidad.

Sa panahon ng pananalasa ng delubyo, laging kinakapos ng power supply.

Ang pinag-uugatan lang naman daw ng ganitong sitwasyon ay luma na ang mga planta natin ng koryente.

Kaya paghagupit ng bagyo, sila ang unang tinatamaan.

Ilang kalihim na ng Department of Energy (DOE) ang dumaan pero wala raw masyadong ginagawa ang mga ito para solusyunan ang problema.

Mukhang tinatanggap na lang daw na ang pagkawala ng koryente tuwing may bagyo ay kasing normal ng may namamatay dahil nabagsakan ng puno o nalunod nang matangay ng tubig-baha.

Ang Pilipinas ay may potensiyal naman daw makakuha ng malinis na ‘alternative sources of energy’ habang binabawasan nito ang kontribusyon sa global warming.

Ayon sa Asian Development Bank (ADB), dapat subukan ng gobyerno ang iba pang oportunidad sa paglikha ng enerhiya mula sa hangin at solar tulad ng Bangui Wind Farm na matatagpuan sa Bangui, Ilocos Norte.

Sinabi ni Toru Kubo ng Energy Division ng ADB na kahit hindi naman major contributor sa global warming at pagbabago ng klima ang bansa, aba’y lantad daw tayo rito kaya’t mahalagang gumawa na rin ito ng mga hakbang ukol sa usapin.

Nabatid na si dating Sen. Bongbong Marcos ang nagsulong upang mailatag ang Bangui Bay Wind Farm na patuloy na pinakikinabangan hanggang ngayon ng kanyang mga kababayan sa lalawigan.

Inihalimbawa ni Kubo ang solar wind na aniya’y ‘cost-effective’ pero mas maigi raw na gumawa ng paraan kung paano ito ma-develop nang mura, maaasahan, at makatutulong sa Pilipinas para mas maging energy independent.

Ang masaklap, marami pa ring power companies ang umaasa sa coal para makalikha ng koryente at antigo na rin ang kanilang mga planta.

Kaya sabi nga, ang problema natin sa koryente ay parang kotseng putok ang gulong pero hindi puwedeng itigil sa pagtakbo habang inaayos.

Sa isang banda, kailangang asikasuhin ang mga nag-ugat nang problemang dulot daw ng pagpapabaya, burukrasya, at kawalan ng kakayahan o pananaw ng ilang nakaupo sa gobyerno.

At sa mga consumer, kahit wala tayong magagawa sa paggalaw ng presyo ng koryente, tubig, mga produkto, serbisyo, at iba pa, may magagawa naman tayo sa ating mga sarili upang makatipid.

Maging matalino na lang tayo sa paggamit ng elektrisidad.

Huwag bayaang nakasaksak ang mga appliances kung hindi ginagamit; panatilihin ang aircon sa temperaturang 25 degrees; at huwag plantsahin ang mga damit na pambahay.

Sa totoo lang, marami pa namang paraan upang makatipid sa kpryente kaya’t sipagan n’yo lamang ang pag-research hinggil dito.