ALVARADO, IDINIIN ANG HALAGA NG KALINISAN UPANG MALABANAN ANG DENGUE

Gov-Wilhelmino-Sy-Alvarado

LUNGSOD NG MALOLOS – Hinikayat ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang mga Bulakenyo na panatilihing malinis ang kapaligiran upang maiwasan ang paglaganap ng mga kaso ng dengue lalo pa’t panahon na ng tag-ulan.

Idinagdag pa niya na dapat magtulungan at makiisa ang bawat Bulakenyo upang malabanan ang nasabing nakamamatay na sakit.

“Mahalaga na ating paigtingin ang kampanya kontra dengue at palaganapin ang kaalaman tungkol dito upang ating masigurado ang kaligtasan ng bawat isa. Tanging ang kooperasyon at pagtutulungan lamang ng bawat isa ang magiging susi upang mapuksa ang kumakalat na virus na ‘to. Kung malinis ang kapaligiran, kaunti rin ‘yung lamok, kaunti ang magdadala ng dengue, at kaunti rin ‘yung posibleng magkaroon ng dengue,” ani Alvarado.

Sinabi naman ng pinuno ng Provincial Health Office-Public Health na si Dr. Jocelyn Gomez na dapat gawin at sundin ng mga Bulakenyo ang apat na ‘S’ upang maiwasan ang dengue outbreak sa probinsiya.

“When it comes to activities, lahat ng mga dapat gawin ay naka-install na ‘yan sa mga affected areas. Unang-una diyan is the implementation of four ‘S’, the search and destroy, seek early consultation, self-protection, and say yes to fogging during impending outbreak,” ani Gomez.

Ipinaliwanag din ni PHO-PH Surveillance Officer Brian Alfonso ang pagsunod sa apat na ‘S’ sa bawat sitwasyon. Una, kaila­ngang magkaroon ng regular na paglilinis kahit walang kaso ng dengue sa nasasakupang lugar; pangalawa, kung may naiulat na dalawa o higit pang kaso ng dengue sa nakalipas na dalawang linggo, kailangan nang paigtingin ang kampanya laban sa dengue. Dapat alamin ang mga sintomas ng dengue at humingi ng maagang konsultas­yon sa sandaling magkasakit sa loob ng dalawang araw; pangatlo, kung ang kaso sa mga clustered barangay ay tumaas sa loob ng mahigit dalawang magkakasunod na linggo (hotspot), kailangang protektahan ang sarili (self-protection) laban sa mga kagat ng lamok na nagdadala ng dengue; panghuli, kapag nagdeklara na ang barangay ng dengue outbreak, dapat pumayag na magkaroon ng fogging sa nagbabadyang outbreak, ibig sabihin humingi na ng tulong sa mga City/Municipal Health Office para isagawa ang mist-spraying sa mga apektadong lugar.

Ayon sa ulat ng PHO-PH nasa 52, 882 na estudyante sa mga pampublikong paaralan sa Bulacan ang nabakunahan ng Dengvaxia noong 2016 at nitong Hulyo 7, 2018, may kabuuang 2,698 mga Bulakenyo ang kumonsulta sa mga pampubliko at pribadong ospital hinggil sa nasabing bakuna.

“Nagpapakonsulta sila dahil sa matinding surveillance sa mga Dengvaxia recipient ng DOH. Gagawin ito sa susunod na limang taon para mabantayan kung sila ba ay talagang magkakaroon ng malubhang sakit dulot ng dengue. Automatic na kahit saan sila magpa­tingin ay nire-report sila dito sa PHO.

Gusto nating maging resulta nitong surveillance for the next five years ay mapatunayan na ‘yong mga nabakunahan ng Dengvaxia ay nagkakasakit dulot ng ibang sakit,” paliwanag ni Alfonso.

Kumpara sa mga kaso sa parehong panahon noong 2017, tumaas ng 2% ang mga hinihinalang kaso ng dengue sa probinsiya na may kabuuang bilang na 2,079 na kaso mula Enero 1 hanggang Hulyo 7, 2018 ayon sa PHO-PH. Mayroon ding apat na naitalang namatay dahil sa hinhinalang kaso ng dengue ang naiulat ngayong taon sa Epidemiology and Disease Surveillance Unit ng PHO-PH na mula sa mga Lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte at sa mga munisipalidad ng Marilao at Pulilan.

Ang dengue ay isang mosquito-born flavivirus na matatagpuan sa mga rehiyon na tropikal sa mundo ayon sa World Health Organization. Ang mga lamok na day-biting Aedes ang nagkakalat ng ganitong uri ng sa­kit. Mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, rashes sa balat, pananakit sa likod ng mata, pagkahilo at pagsusuka ang karaniwang sintomas ng dengue. A. BORLONGAN