ALVINDIA, NANGAKO NG REPORMA SA PHILMECH

NANGAKO  ang pinuno ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) na si Dr. Dionisio G. Alvindia na magpapatupad ng mga pagbabago sa ahensiya sa hangaring matigil ang katiwalian at mapabuti ang paghahatid nito ng serbisyo publiko.

Ang pahayag ay ginawa ni Alvindia upang ipagtanggol ang hakbang na i-reshuffle ang walong tauhan ng PhilMech na iniimbestigahan dahil sa umano’y kaugnayan sa mga ilegal na aktibidad sa loob ng ahensya.

Nangako rin si Alvindia na magiging mas transparent sa paggastos nila ng pondo at pagbibigay ng iba’t-ibang uri ng makinarya na magagamit ng milyon-milyung magsasaka sa bansa.

Nauna rito, nasa walong tauhan ng PhilMech ang ni-reshuffle sa puwesto upang maiwasang maimpluwensyahan ang resulta ng mga imbestigasyon na isinasagawa ng ahensiya laban sa kanila.

Ikinalungkot din ni Dir. Alvindia na may isang grupo ng “PhilMech Retirees” na sumasakay sa isyu sa loob ng ahensiya, at sumasama pa sa mga apektadong tauhan sa pagpapakalat ng mga ito ng maling akusasyon.

Alegasyon ng grupo na ang mga bagong appointees ay mga outsider at non-PhilMech personnel na kulang sa karanasan sa larangan ng agrikultura.

Ani Dir. Alvindia, ang mga bagong opisyal ay pawang kuwalipikado sa puwesto at may kakayahan sa mga posisyon ng Deputy Director at Division chief dahil lahat sila ay mga empleyado ng PHilMech at may hawak na mas mahusay na mga kwalipikasyon at educational attainment, taliwas sa mga alegasyon na sila ay mga tagalabas at hindi mga tauhan ng PHilMech na kulang sa karanasan sa larangan ng agrikultura.

Ani Dir. Alvindia, ang walong opisyal ng PhilMech na pinalitan sa kanilang mga puwesto ay may mga nakabinbing kasong administratibo.

Aniya, ang apat pang apektadong opisyal ng PhilMech ay sinasailalim din sa pagsisiyasat dahil sa umano’y pagkaantala sa proseso sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyektong ginagawa ng ahensya.

Si Dir. Alvindia ay umupo sa puwesto noong Marso 2022 at nangako ito sa Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na susundin ang mga batas sa pagbili ng mga makinarya at kagamitan sa ilalim ng RCEF mechanization program at coco levy fund, at pagpapatupad ng reporma kasama na ang paglilinis sa ahensya ng mga tiwali at walang kakayahan na tauhan.