ALYANSA NG PINAS AT US MULING PINAGTIBAY

MINSAN pang pinagtibay ng Pilipinas at Amerika ang kanilang mutual cooperation, commitment and obligation sa isa’t isa kasunod ng ginawang pagpupulong nina AFP Chief of Staff Gen. Vicente Bacarro at Commander ng US Indo-Pacific Command, Admiral John Aquilino na siyang co-chaired sa 2022 Mutual Defense Board and Security Engagement Board (MDB-SEB) na ginanap sa U.S. Indo-Pacific Command Headquarters sa Honolulu, Hawaii.

Ang Mutual Defense Board at Security Engagement Board ay nilikha upang harapin ang mga tradisyunal at hindi tradisyunal na security concerns na kinakaharap ng Pilipinas at ng Estados Unidos bilang magka-alyadong bansa.

Sa pagharap ng dalawang high military leader ay muling pinagtibay ng co-chairs ang kanilang mutual commitment at obligasyon sa PH-US alliance para ituloy ang layunin ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na magkasundo sa isa’t isa sa pagtugon sa lahat ng suliranin o bantang panseguirad.

Nakapaloob sa pag-uusap ng dalawang mataas na opisyal ng AFP at US ang mga usapin ng mga aktibidad sa pakikipagtulungan sa seguridad at ang estratehikong pananaw kabilang ang maritime security, pagbabahagi ng impormasyon, at pagpapaunlad ng kapasidad at kakayahan, bukod sa iba pa.

Sa inilabas na pahayag ng AFP ay sinasabing naging mabunga ang naging talakayan ng dalawang heneral na nagbukas din ng mga pagkakataon para sa mas matatag na pakikipag-ugnayan na magpapabilis ng pakikipag-ugnayan ng militar-sa-militar kabilang ang taunang bilateral exercises na naglalayong pahusayin ang inter-operability ng parehong armadong pwersa.

Sumang-ayon din sina Gen. Bacarro at Admiral Aquilino sa implementing guidelines para i-operationalize ang Maritime Security Framework na idinisenyo upang muling pasiglahin ang maritime security awareness.

Tiniyak din ng dalawang top military officials na pabilisin ang pagpapatupad ng mga proyekto sa impraestruktura at pasilidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa panig naman ng AFP chief of staff, ang nasabing pulong nila ni Adm. Aquilino ay nagbunga ng katiyakan ng suporta ng INDOPACOM sa AFP Modernization program sa pamamagitan ng pagbibigay at paghingi ng karagdagang tulong sa pamamagitan ng Foreign Military Financing sa Pilipinas.

Ang Mutual Defense Board and Security Engagement Board ay nilikha upang talakayin ang traditional and non-traditional security concerns na kinakaharap ng Pilipinas at ng United States bilang magka alyado. Ito ay binubuo ng mga pangunahing pinuno mula sa AFP, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Department of National Defense, at Department of Foreign Affairs. VERLIN RUIZ