AMA AT BAYANI

SA  isang araw, Linggo, ika-19 ng Hunyo, ay ipagdiriwang sa buong mundo ang Araw ng mga Tatay, o Father’s Day. Espesyal ang araw na ito para sa ating mga Pilipino dahil ito rin ang araw ng kapanganakan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.

Samantalahin natin ang araw na ito upang maglaan ng oras kasama ng ating ama, lolo, ating mga anak, o mga taong itinuturing nating ama. Bigyan din natin ng panahon ang paggunita sa ating bayani at sa kanyang mga obra at mga sakripisyo para sa bayan.

Kung walang regalo para sa mga ama sa ating buhay, pwede pa rin nating ipadama ang ating pasasalamat at pagmamahal sa ibang paraan. Maaaring maglaan ng oras upang manood ng pelikula o TV show kasama sila, o kaya naman ay ipagluto sila ng simpleng putaheng alam mong paborito nila.

May silbi pa rin ang homemade greeting card o maliit na bagay na mapakikinabangan nila. Hindi kailangang gumastos ng malaki para maging espesyal ang okasyong ito.

Gayundin naman ang pagdiriwang ng Rizal Day. Nariyan pa rin ang Rizal Park na bukas para sa lahat.

Maaaring dalhin ang mga bata rito, o kaya naman ay sa Fort Santiago o sa National Museum upang balikan ang kasaysayan at ikwento sa mga bata ang mahahalagang yugto sa buhay ng ating bayani.

Madaling kumuha ng kopya ng mga obra ni Rizal—maging nobela, kuwento, o tula man, pwedeng makita ang mga ito sa internet upang sabay-sabay na basahin, intindihin, at isapuso kasama ang buong pamilya.