AMA NA GUMAHASA SA ANAK, BINISTAY NG BALA, PATAY

SOUTH COTABATO – PATAY ang isang ama na may kasong panggagahasa sa tatlo nitong nitong anak na babae na pawang menor de edad matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek, kamakalawa sa bayan ng Surallah.

Ang biktima na agad na binawian ng buhay sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ay nakilalang si alyas Gerald, 37-anyos, taga-Lake Sebu, South Cotabato.

Batay sa report ng Surallah Municipal Police Station, natagpuan ang bangkay ng biktima sa damuhang bahagi ng Purok Riverside, Brgy Tubi-Allah, Surallah, South Cotabato at tadtad ng tama ng bala sa hindi pa mabatid na kalibre na baril.

Ayon kay Police Capt. Archie Dagohoy, chief of police ng Surallah MPS, positibong kinilala ang biktima ng kanyang mga kaanak at sinabing may kinakaharap itong kasong panggagahasa sa tatlong anak na babae.

Hanggang sa kasalukutan ay inaalam pa ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa naganap na pamamaslang at pagkakakilanlan sa suspek para panagutan nito ang kasalanang nagawa.

EVELYN GARCIA