AMA NIYARI NG ANAK SA HAPAG-KAINAN

bakal

ALBAY – WALANG awang pinatay ang 46-anyos na ama ng sarili nitong anak na lalaki matapos na  hambalusin ng bakal sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan habang kumakain sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Malubi sa bayan ng Aroroy, Masbate kamakalawa ng tanghali.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Cesar Guipe habang tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Lizel “Ambo” Guipe, 30-anyos.

Base sa police report, lumilitaw na bandang alas-11:30 ng tanghali ay magkasalo sa pananghalian ang mag-ama nang sermunan ng matandang Guipe ang kanyang anak kaugnay sa paghahanap ng trabaho hanggang sa mauwi sa matinding pagtatalo.

Gayunpaman, nanahimik ang suspek bago tinapos muna ang pagkain at saka umalis ng bahay at nang bumalik ay may hawak na itong bakal at inihambalos sa ulo ng kanyang ama na kasalukuyang nanananghalian.

Kaagad na tumakas ang suspek matapos na bumulagta ang kanyang ama habang namataan naman ng ilang kapitbahay ang naganap na krimen kaya ipinagbigay-alam sa himpilan ng pulisya. MHAR BASCO

Comments are closed.