NEGROS OCCIDENTAL – PATAY ang isang 53-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng kanyang sariling anak na “high” sa droga sa kanilang bahay sa Hacienda Bacsay, Barangay Robles, La Castellana sa lalawigang ito nitong Martes.
Ang biktima ay kinilala ni Major Rhojn Darell Nigos, hepe ng La Castellana police na si Rolando Mosquera Sr.
Nabatid na kakauwi lang umano ng biktima mula sa pagtatanim ng puno ng saging nang undayan ng kutsilyo ng kanyang 21-anyos na anak sa dibdib. Humingi ng tulong ang biktima sa mga kamag-anak at dinala sa ospital kung saan idineklara itong patay.
Sinabi ni Nigos na agad namang naaresto ang suspek habang nagtatago sa isang madamong lugar.
Narekober sa suspek ang kutsilyo, isang maliit na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P544, dalawang lighter, at isang kulay berdeng kurtina na may mga mantsa ng dugo.
Sinabi ng pulisya na inaakala ng suspek na binabalak ng kanyang ama na ilibing, siya ng buhay nang kung kaya’t nagtatanim ito ng mga puno ng saging.
Kagagaling lang sa probinsiya ng suspek kung saan siya ipinadala dahil sa kanyang pagkalulong sa droga.
Isinailalim sa drug test ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong parricide at illegal drugs.
EVELYN GARCIA