Kahit sa panahong ito na wala na si Amalia Fuentes, marami pa rin ang nakakakilala sa kanya.
Isinilang siyang Amalia Muhlach noong August 27, 1940 sa Daet, Camarines Norte. Doon din siya lumaki.
Maitatanong nyo siguro: kaano-ano niya ang mga mahuhusay at sikat na artistang sina Aga Muhlach at Niño Muhlach, at syempre ang kontrobersyal ngayong si Sandro Muhlach na nasasangkot sa pangmomolestya nina GMA 7 independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz?
Si Amalia lang naman po ang matriarch ng buong Muhlach clan. Kung walang Amalia, walang multi-awarded actor na Aga at wala ring Child Wonder na Niño.
Si Amalia kasi ang unang pumasok sa pelikula noong kanyang kabataan.
Maagang namatay ang kanyang ama noong panahon ng Hapon dahil nakatapak ng bomba, kaya maaga rin siyang nagtrabaho para makatulong sa kanyang ina na palakihin ang kanyang mga nakababatang kapatid na sina Alex (ama ni Niño) at Alvaro (ama ni Aga at Arlene Muhlach). Nagtinda pa nga siya sa Quinta Market ng kamatis, at doon siya nakita ng Sampaguita Pictures. That was 1956. Syempre hindi pa ako tao noon. Kahit mommy ko at granny ko, hindi pa ipinapanganak.
Naging suporta muna siya ni Gloria Romero sa pelikulang ‘Señorita’ pero naging bida na siya sa ‘Rodora’. Mula noon, siya na ang sumuporta sa kanyang pamilya. At napakahigpit niyang ate. Dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral, ang dalawang nakababatang kapatid ang pinag-aral niya. Iron Lady nga raw ang tawag sa kanya ng pamilya, at kapag walang approval ni Amalia, hindi pwedeng gawin ang kahit ano — kahit pa pag-aasawa.
Si Juancho Gutierrez talaga ang ipinapartner sa kanya, pero mas nag-click sila ni Romeo Vasquez na naging asawa niya at naging ama ng nag-iisa niyang anak na si Liezl Sumilang — na naging asawa naman ni Albert Martinez. Nagkagustuhan sina Romeo at Amalia noong 1957 nang tumawid ng bakod ang aktres sa Vera-Perez Pictures, sister company ng Sampaguita Pictures, para gawin ang pelikulang “Pretty Boy.”
Totoong napakaganda ni Amalia noong kanyang kabataan kaya tinagurian siyang Elizabeth Taylor of the Philippines. Pero mind you, sa kagandahan lamang sila magka-level. Walo kasi ang naging asawa ni Taylor ngunit si Fuentes, isa lamang — si Romeo Vasquez na ama nga ni Liezl, kahit pa noong sa America na siya naninirahan, naging malapit siya kay Joey Stevens.
Siya rin ang unang ‘Lux’ girl. According to my granny, sabon daw ang Lux. Beauty soap to be exact, pero nang hanapin ko siya sa google, wala na palang Lux.
Noong araw kasi, hindi pa uso ang beauty cream at kung anu-anong pampaganda. Sabon at powder lang pwede na. Kaya kung maganda ka, e di maganda ka! Kung pangit ka, sorry ka na lang.
Nagkamit siya ng maraming karangalan sa pag-arte at itinatag din niya ang AM Productions na siyang nag-launch kay Liezl bilang child star na kinagiliwan ng marami.
Bilang matriarch ng Muhlach clan, siya rin ang nagpayo sa mga Kapatid na magtabi ng pera para sa kinabukasan ng mga anak. Kaya bilang kasiguruhan sa kinabukasan ni Niño Muhlach na naging sikat na sikat noong kanyang kabataan, ipinagpatayo siya ng kanyang amang si Alex Muhlach ng El Niño Apartel sa Cubao. Hindi pa kasi uso ang condominiums noon. Itinatag din niya at pinamahalaan ang Wonder Films at lahat ng kinita nito — liban sa mga personal na gastusin ng pamilya na nasabing hindi naman gaanong maluho dahil sanay sila sa hirap — ay pinakikinabangan ngayon ni Niño at ng kanyang pamilya. Ganoon din naman si Aga.
So, namayagpag sa kasikatan si Amalia mula 1956 hanggang 2008 pero paminsan-minsan, lumalabas pa rin siya sa pelikula hanggang 2017, until such time na inatake siya at na-confine sa wheelchair, dala ng kalungkutan sa pagpanaw ng kaisa-isang anak na si Liezl na namatay naman sa sakit na cancer.
Sa edad na 79, noong October 5, 2019 ay namatay Siya sa St Luke’s Medical Center Global City sa Taguig.
Leanne Martin