NASA P 367.72 milyon ang halagang ibinigay ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa isang transport cooperative na nakabase sa Iloilo bilang credit assistance upang makakuha ang grupo ng 148 na brand new at modern Public Utility Jeepneys (PUJs). Ito ay bahagi ng pagsisikap na isulong ang mas mahusay, mas ligtas, at mas luntiang sistema ng pampublikong transportasyon sa lalawigan.
Ayon kay Michael O. de Jesus, President at Chief Executive Officer ng DBP, ang pautang sa Metro Iloilo Transport Service Cooperative (MITS Coop) sa bahagi ng Program Assistance to Support Alternative Driving Approaches (PASADA) ng DBP. Gagamitin ang halagang ito upang makabili ng mga EURO-compliant na PUJ na siyang ipapakalat sa pitong ruta sa Iloilo City.
Ayon pa rin kay De Jesus, ang PASADA Program ay flagship program ng DBP para sa modernisasyon ng sistema ng transportasyon sa bansa. Sa ilalim nito, nag-aalok ang bangko ng flexible at competitive na paraan ng pagpopondo ayon sa mga natatanging pangangailangan ng mga transport corporations at mga kooperatibang kinikilala ng Office of the Transport Cooperatives. Ang mga modernong PUJ na makukuha sa pamamagitan ng pondo ng DBP ay magsisilbi umano sa mga pangangailangan sa transportasyon ng tinatayang 33,000 na komyuter sa Iloilo City.
Ayon naman kay Carolyn I. Olfindo, Senior Vice President at Head of Development and Resiliency Sector ng DBP, ang MITS Coop ay unang nakipagsosyo sa DBP noong taong 2020 upang makakuha ng 27 modernized jeepney units.
Kasama ang 148 na karagdagang modernong PUJs, nagawa ng MITS na magbigay ng oportunidad upang kumita ang mahigit 500 na mga indibidwal sa lalawigan.
Sa pagtatapos ng Hunyo 2023, ani Olfindo, inaprubahan ng DBP ang 104 na accounts sa ilalim ng PASADA program na may kabuuang halaga ng pautang na P 8.57 bilyon. Ito ay nagsisilbing malinaw na kontribusyon ng DBP sa patuloy na pagsisikap na mapabilis ang modernisasyon ng sektor ng transportasyon sa Pilipinas.