AMBULANSIYA, 3 PANG SASAKYAN NAGKARAMBOLA: 4 SUGATAN

BICOL – APAT na sakay ng ambulansiya ang nasugatan matapos masangkot ito sa aksidente kasama ang tatlong truck sa Almeda highway sa Brgy. Sigamot, Libmanan, Camarines Sur nitong Martes ng umaga.

Ayon kay SMSgt. Juan Villaseñor Bartolina, tagapagsalita ng Libmanan Police Station, kabilang sa nasaktan ang 88-anyos na babaeng pasyente na lulan  ng ambulansya, 2 kasamang  anak at driver.

Base sa imbestigas­yon ng pulisya, dadalhin ang pasyente sa ospital sa Naga City galing bayan ng Ragay nang mabangga ng nasa hulihang tanker truck ang likuran ng ambulansya.

Sa lakas ng impact, naitulak ang ambulansya at sumalpok ito sa nasa unahang wing van truck na  nawalan naman ng kontrol  at bumangga   sa kasalubong na isa pang  trailer truck.

Isinugod sa ospital ng mga nagrespondeng tauhan ng Libmanan MDRRMO at BFP ang apat na biktima at nasa ligtas nang kalagayan.

Ayon sa driver ng sumalpok na tanker truck, pinalagpas pa nito ang ambulansya pero pagsapit sa lugar ng aksidente na isang matalim na kurbada ay hindi niya napansin na nakahinto kasama ang iba pang sasakyan dahil sa  nire-repair na  kalsada.

Nasa kustodiya nga­yon ng Libmana police ang driver ng truck at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at da­mage to properties.

Nagdulot naman ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang aksidente na umabot ng tatlong oras bago na-clear sa mga motorista ang highway.

BONG RIVERA