RIZAL-HUMIGIT kumulang sa isang P1 milyong halaga ng droga ang nakumpiska sa ambulance driver at kasama nito nang masakote sa ikinasang Anti Illegal Drugs ng Binangonan PNP kahapon sa nasabing lalawigan.
Ayon sa ulat ni Rizal PNP Provincial Director Col. Dominic Baccay kay PRO4A-Regional Director BGen. Antonio Yarra, kinilala ang mga nadakip na sina Ronnel Membrebe y Mataksil alyas “one“, drayber ng Barangay Ambulance at Danilo Cado y Picones alyas Onyot, nasa hustong gulang, kapwa tulak at residente sa Binangonan Rizal.
Nabatid na dakong alas-3:20 ng madaling araw nang bentahan ng mga suspek ng droga ang tauhan ng Binangonan PNP sa pangunguna ni Lt. Gerardo Justo sa Barangay Darangan, Binangonan na gamit ng mga suspek ang ambulansiya.
Ayon kay Lt. Col. Rodolfo Santiago ll, Binangonan Chief of Police, narekober sa mga tulak ang 138 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P938, 400.00 pesos, buy bust money, shabu paraphernalia at ang coin purse na naglalaman ng droga.
Ayon kay Santiago, matagal nilang target sa pinaigting na anti-drug campaign at criminality ang mga suspek ngunit sadya umanong madulas ang mga ito.
Kasalukuyang nakapiit na ang dalawang suspek sa detention cell ng pulisya habang dinala naman sa Rizal Provincial Forensic Unit (RPFU) for laboratory examination ang mga shabu at kakasuhan ang mga ito ng paglabag sa RA 9165 sec. 5 at 11. ELMA MORALES