AMERICAN SEX OFFENDER ARESTADO

TAGBILARAN-BUMAGSAK sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Bohol ang puganteng American Sex Offender na wanted sa Federal Authorities bunsod sa mga kasong kinasasangkutan nito.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ang suspek na si Michael Dennis Hartsock, 71- anyos na naaresto noong Miyerkules ng Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) sa Barangay Ubojan Loon Bohol City.

Ayon kay FSU Head Bobby Raquepo, nadakip si Hartsock sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ng Bohol National Bureau of Investigation (NBI).

Sa report na nakarating sa opisina ni Morente, si Hartsock ay may nakabinbin na Warrant of Arrest na 10 taon na ang nakakaraang na inisyu ng San Joaquin County Superior Criminal Court sa California, USA.

Si Hartsock ay wanted sa San Joaquin County Superior Criminal Court dahil sa 6 counts na may kinalaman sa pakikipagtalik sa mga menor de edad.

Pansamantalang nakakulong ang suspek sa NBI headquarters sa Bohol, habang inaantay ang order ng BI sa kanyang paglipat sa BI detention center sa Taguig City. FROILAN MORALLOS

4 thoughts on “AMERICAN SEX OFFENDER ARESTADO”

Comments are closed.