AMERIKA ‘DI AALIS SA SOUTH CHINA SEA

AMERICA

TINIYAK ng Estados Unidos na hindi magtatagal ang paghahari-harian ng China sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea.

Sa kanyang talumpati sa isang security forum sa Singapore, sinabi ni U.S Defence Sec. James Mattis na mananatili sa Asia-Paci­fic ang mga barko ng U.S.

Sinabi pa ng opisyal na prayoridad nila ang pagtulong sa pagtiyak ng kaayusan sa Asia-Pacific region.

“China’s militarization of artificial features in the South China Sea includes the deployment of anti-ship missiles, surface-to-air missiles, electronic jammers and, more recently, the landing of bomber aircraft at woody island,” ayon sa U.S official.

Bukas din umano ang U.S na mamagitan sa pagsusulong ng kaayusan at kapayapaan sa pagitan ng mga bansang nag-aagawan sa mga isla sa South China Sea.

Umaasa ang  Amerika na magmumula ang inis­yatibo ng pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon mismo sa China.

Pero sa ngayon ay nakatutok umano sila sa pagbabantay sa nasabing lugar lalo’t nagpapatuloy ang pagpapalakas ng China ng kanilang puwersa sa pamamagitan ng military deployment.

Samantala, nanindigan  si  Foreign Affairs Secretary Alan Peter Ca­yetano sa diplomatic approach sa kabila ng militarisasyon ng Chinese Forces sa West Philippine Sea.

Ayon kay Cayetano, tuloy pa rin ang bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at China sa kabila ng inihaing reklamo ng bansa.

Aniya, mananatiling transparent ang pamahalaan sa pagharap sa problema sa China pero may ilang mga bagay na hindi puwedeng ilantad sa publiko.

Kamakailan sa talumpati  ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sinabi nito na hindi siya papasok sa giyera laban sa China dahil alam niyang hindi  mananalo rito ang Pilipinas.

Tiniyak ng Pangulo na hindi naman niya papayagan na malagay sa alanganing sitwasyon ang bansa sa isyu pa rin ng agawan ng mga isla sa West Philippine Sea. (May dagdag na ulat mula sa DWIZ882)

Comments are closed.