AMERIKANONG BUS DRIVER TIKLO SA BI

GENSAN – ISANG amerikano ang inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) matapos matuklasan na ilegal na nagtatrabaho bilang driver sa pampasaherong bus sa lalawigang ito.

Ang naturang suspek ay kinilalang si Vladislav Igorevich Black alyas John Black, 36 -anyos.

Ayon kay BI Intelligence Deputy Chief for Mindanao Melody Penelope Gonzales, nakatanggap sila ng paunang ulat na nagtatrabaho si Black bilang bus driver sa isang provincial bus line sa General Santos.

Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang BI at napag-alaman na overstaying na ang naturang foreign national sa bansa nang mahigit limang taon.

Ayon pa kay Gonzales, agad silang nakipag-ugnayan sa City Intelligence pati sa Philippine National Police (PNP) para maisagawa ang pag-aresto.

Paliwanag naman ni Black, hindi na siya nakapag-renew ng kanyang visa matapos na magkaroon siya ng problemang pinansyal.

Pansamantalang nasa kustodiya ng General Santos City Police office ang suspek at nakatakdang ilipat sa holding facility ng BI.
EVELYN GARCIA