AMERIKANONG PORN STAR, 3 PINOY TIKLO SA CYBER SEX RING

KALABOSO ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime group (ACG) ang isang Amerikano, at 3 Pinoy na nag-operate umano ng cybersex den sa Unit JO3 Kandi Tower, Flora St., Brgy Malabanias, Angeles City, Pampanga.

Sa report ni ACG Director Brig.Gen. Robert Rodriguez kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, naligtas din ng ACG sa nasabing operasyon ang dalawang dalagita na biktima ng grupo.

Kinilala ang naarestong American National na si Easton Scot Sanderson, 34-anyos, lead actor sa ginagawa ng grupo na sex video.

Kasama rin sa naaresto si Jann Arielle Mondejar, 23-anyos na umano’y nag-recruit sa dalawang dalagang biktima at ang nagsisilbing videographers na sina Reneilyn Robles, 22-anyos at Shirley Martinez, 22-anyos.

Base sa salaysay ng mga biktima, ni-recruit sila ni Mondejar para sa modeling at photoshoot.

At nang dinala sila kay Sanderson ay pinilit ang mga itong makipagtalik sa kanya habang kinukuhanan ng video nina Robles at Martinez para sa uploading sa iba’t ibang Pornographic Sites.

Nakumpiska sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng mga identification cards na hinihinalang pag-aari ng mga biktima, gadgets tulad ng cellphone, camera at sex toys na ginagamit sa paggawa ng sex videos.

Ayon sa hepe ng Regional Anti-Cybercrime Unit 3 na si Police Lt.Col. Melvin Ricohermoso, mula nang magkapandemya, dumadami ang mga nagiging biktima ng human trafficking at maging pagbebenta ng mga malalaswang larawan bukod sa mga videos.

Dadaan sa cyber forensic examination ang nakumpiskang gadgets para malaman kung ano-anong porn sites ang pinagbebentahan ng mga ito at kung may mga menor de edad sa mga naging biktima ng mga suspek.

Nakikipag-ugnayan ngayon ang Regional Anti Cyber Crime Unit 3 sa US Federal Bureau of Investigation para malaman kung may dating kaso si Sanderson na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic act 10364 at kung legal ang pananatili nito sa bansa. VERLIN RUIZ/EUNICE C.

Comments are closed.