NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 60-anyos na American national na wanted sa Alaska dahil sa pag-kidnap sa sarili niyang mga anak bago lumipad papunta sa Filipinas.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, si Leo James Chaplin ay pansamantalng nakakulong sa BI detention facility sa Taguig City bago pabalikin sa kanyang lugar.
Nahuli si Chaplin ng mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit (FSU) noong Biyernes sa loob ng kanyang yate sa Ocean View-ago pauwi sa Samal Island, Davao del Norte.
Si Chaplin ay agarang ipade-deport dahil sa pagiging undocumented alien at hindi karapat-dapat manatili sa bansa upang kaharapin ang kanyang kasong kidnapping.
Nabatid na si Chaplin ay mayroong nakabinbin na warrant of arrest na inisyu ng US district court sa Alaska dahil sa tinatawag na international parental kidnapping.
Napag-alaman na si Chaplin ay kinasuhan ng ina ng mga bata sa US District Court ng kidnapping dahil dinala nito ang mga bata sa Filipinas noong Nobyembre 2014 nang walang pahintulot ng kanilang ina.
Batay sa report na nakalap ni FSU Chief na si Bobby Raquepo, si Chaplin ay dumating sa bansa apat na taon na ang nakalilipas at ilegal na naninirahan dahil sa expired visa.
Sa ilalim ng US Federal law, ang International Parental Kidnapping Crime Act of 1993 (IPKCA), inalis ang kustodiya ng suspek sa mga anak nito. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.