AMIHAN MAARING MAGPATAAS SA KASO NG MGA SAKIT

INIHAYAG ng Department of Health na ang panahon ng Amihan ay maaaring humantong sa pagtaas ng mga kaso ng allergy o respiratory infections.

Ayon sa DOH, ang influenza-like illness (ILI) ay nailalarawan sa pamamagitan ng ubo, sipon, at lagnat. Ito ay karaniwang sanhi ng limang klase ng respiratory virus gaya ng rhinovirus, enterovirus, Influenza A, Respiratory Syncytial Virus at Adenovirus.

Pahayag pa ng DOH, mas mababa ang naitalang mga kaso ng mala-trangkasong sakit sa  noong Disyembre 31, 2024.

Base sa DOH Influenza-like Illness (ILI) Surveillance System, nakapagtala ng kabuuang 179,227 na mala-trangkasong sakit noong Disyembre 31, 2024, na mas mababa pa rin ng 17% kumpara sa 216,786 na kaso na naitala noong nakaraang taon.

Iniugnay ng ahensiya ang pagbabang ito sa mas pinahusay na health-seeking behaviors at practices at mas mahusay pang paghahanda ng sektor ng kalusugan.

Patuloy ang paghimok ng DOH sa publiko na umiwas sa sakit ngayong Amihan season na nagdadala ng mas malamig na panahon.

Payo ng ahensiya na isagawa ang respiratory etiquette tulad ng pagtatakip sa bibig kapag inuubo; pananatili sa bahay kapag may ubo, sipon, o lagnat; at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig.

Samantala, nauna nang inamin ng DOH na may pagtaas ng mga karaniwang acute respiratory infections sa ibang mga bansa gaya ng Respiratory Syncytial Virus (RSV) at Human Metapneumovirus (hMPV) base na rin sa World Health Organization (WHO).