TIWALA si World billiards champion Rubilen ‘Bingkay’ Amit na mas maraming Pinay billiard players ang mabibigyan ng pagkakatong maipakita ang kanilang mga talento at masustinahan ang pagsulong ng sport sa programa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa women’s billiards.
Ayon kay Amit, pinakamatagumpay na babaeng atleta sa larangan ng bilyar, napapanahon ang PSC Women’s 9-Ball tournament na sasargo sa Marso 25-26 para mabigyan ng pagkakataon ang mas marami pang players na makapaglaro sa mga kompetisyon at masanay para makapagbigay ng karangalan sa bansa mula sa international competition.
Inamin ni Amit na naging tahimik ang billiards kumpara sa panahon na namayagpag sina Efren ‘Bata’ Reyes at Django Bustamante, ngunit patuloy, aniya, ang mga programa sa sport at sa pakikipagtulungan ng pribadong sector at mga LGU ay umaasa siyang manunumbalik ang sigla ng sport.
“Actually po, to bo honest marami pa ring Pinoy na champion sa billiards. Medyo tahimik lang right now. Kaya on my part, I try my best na makatulong na mabigyan ng recognition ang mga bagong players. Kaya po nating mag-produce ng maraming champion. ‘Yung men’s team natin napalakas na, kaya ‘yung women’s team ang kailangan naming palakasin. Marami na uling opportunity kaya tuloy-tuloy lang kami sa billiards.
“Maganda po itong PSC Women’s 9-ball tournament na inorganized ni Commissioner Bong Coo. Para po ito sa grassroots na napakahalaga po para sa continuity ng development program sa sports. Right, now po may 11-year-old tayong players mula sa Zamboanga na napakahusay. Meron din tayong batang champion from Bacolod na talagang promising,” pahayag ni Amit sa ‘Women’s Month’ session ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa Malate, Manil.
Bukod sa Women’s 9-ball na bahagi ng programa ng PSC para sa pagdiriwang ng ‘Women’s Month’, sasargo rin ngayong buwan ang Amit Cup Finals na magtatampok sa 16 na pinakamahuhusay na women’s cue artists sa bansa.
“‘Yung top 16 po after five series of the tournament ang maglalaban sa Amit Cup. Focus kami sa grassroots at talagang nakita natin dito ang mahuhusay na players na puwedeng-puwede sa National Team,” ayon pa kay Amit.
Ipinahayag din ni Amit ang kahandaan kasama si Centeno sa kanilang pagsabak sa carom event ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
EDWIN ROLLON