AMLC, PACC TUTULONG VS 46 NARCO POLITICIANS

PDEA Undersecretary Derrick Carreon

BINIGYANG diin kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may mga ebidensiyang hawak ang Philippine National Police (PNP) laban sa 46 na tinaguriang narco politicians alinsunod sa kanilang isinagawang validation

Ayon kay PDEA Undersecretary Derrick Carreon na may hawak silang ebidensiya at ma­ging ang PNP laban sa mga nakapaloob sa hawak nilang narco list.

Sa pahayag ni Carreon sa PILIPINO Mirror, patuloy ang ginagawang pangangalap ng dagdag na ebidensiya para hindi makalusot ang mga ito oras na sampahan sila ng kasong kriminal.

Inihayag pa ni Carreon na makatutulong nang malaki ang ginagawang   hiwalay na pagsisiyasat ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at  Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) laban sa 46 na umanoy narco politicians.

Ayon pa kay Carreon, hindi naman mga tanga ang kanilang mga subject at hindi ito mga dealer o supplier na mag-iimbak ng bulto-bultong droga sa kanilang bahay na kailangan lamang ay search warrant para mahuli o makuhanan ng ebidensiya.

Kaya’t malaking bagay umano ang ginagawa ngayong pagsisiyasat  ng AMLC dahil posibleng sangkot din sa tax evasion at money laundering ang mga nasa listahan  na ilan sa kanila ay mga protektor.

Taliwas  sa pahayag ng PNP na wala pa silang hawak na matibay na ebidensiya para sampahan ng kaso ang 46 na tinaguriang narco politician.

Aniya, ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ay produkto ng mahigit 14 na buwang revalidation and workshop ng PNP, PDEA, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Armed Forces of the Philippines (AFP) at   Deparment of the Interior and Local Government (DILG) bilang mga resource person.

Kabilang sa listahan ang tatlong miyembro  ng House of Representatives, isang  Provincial Board Member, 35 ma­yors, at 7 vice mayors.

Katunayan, kinumpirma ng PDEA na ilang bahagi lamang itong hawak nilang listahan dahil may mga personalidad pa umano na kasalukuyang nire-revalidate habang may ilan naman ang inilipat sa civilian list dahil hindi na sila kumakandidato o may hawak na posisyon sa gobyerno.

Nilinaw pa sa inilabas na pahayag ng PDEA na ‘yung mga pangalan ng mga politiko na hindi inanunsiyo ay pakay pa ang patuloy na validation and case build-up ng mga  intelligence agencies ng pamahalaan.

Nilinaw pa ng PDEA na ang narco list ay sumailalim sa revalidation at verification process sa isinasagawang monthly workshops ng PNP, PDEA, NICA, AFP at DILG.     VERLIN RUIZ

NARCO LIST WA EPEK SA KANDIDATURA – COMELEC

INIHAYAG ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na walang epekto sa kandidatura ng ilang politiko ang pagka-kasama ng kanilang mga pangalan sa inilabas na narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, sinabi ni Jimenez na bagaman walang epekto sa kanilang kandidatura ay maaaring makaapekto at makaimpluwensiya naman ito sa mga botante sa gagawin ni­lang pagboto sa midterm elections na idaraos sa Mayo 13.

Ipinaliwanag pa ni Jimenez, maaari lamang madiskuwalipika ang isang kandidato kung may final conviction kaugnay sa kinakaharap na kaso.

“Makaaapekto ito sa desisyon ng botante pero sa kandidatura officially walang epekto dahil ang narco list is a list of suspects. Hindi ‘yan list of convictions. Ang puwede lang ma-disqualify ay ‘yung may final conviction,” paliwanag ni Jimenez.

Aniya, maaari lamang din na maging pinal ang diskuwalipikasyon ng isang kandidato sa sandaling maisagawa ang lahat ng proseso  at mismong ang Korte Suprema na ang magdesisyon dito.

Nauna rito, isinapubliko ni Pangulong Duterte ang mga pangalan ng mga politikong hinihinalang sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.