ISANG 44-anyos na lalaki ang namatay samantalang 65 naman ang isinugod sa ospital nang biglang sumingaw ang ammonia ng isang ice plant sa Navotas City kahapon.
Agad na nirespondehan ng Bureau of Fire Protection NCR ang T.P. Marcelo Ice Plant and Cold Storage na sinasabing pag-aari ng pamilya ni Navotas City Mayor Toby Tiangco.
Sa ulat ng BFP-NCR, ang nasawi ay empleyado ng naturang planta habang 22 katao ang isinugod sa Tondo Medical Center at 43 naman sa Navotas Hospital na nakalanghap ng ammonia.
Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-4:19 ng hapon kung saan ay agad na pinalikas muna ang mga residenteng malapit sa nasabing planta upang hindi maapektuhan ng naturang leak.
Matapos ang ilang oras, ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office ay humuhupa na ang amoy ng ammonia dahil naisara na ang sumingaw na valve.
Gayunpaman, sinabi ng alkalde, aabot ng dalawa hanggang tatlong oras bago humupa ang amoy sa lugar kaya nagpahanda na ito ng food packs para sa mga apektadong residente.
Nakaalerto pa rin ang first aid station sa nasabing lugar para sa mga nangangailangan ng tulong medikal.
Kasabay nito, nagpasalamat naman ang alkalde sa lahat ng tumulong, lalo na sa volunteers at mga kapit-lungsod na nagpadala ng mga ambulansiya at fire truck.
Comments are closed.