HINDI maitatanggi na sa maraming taon, ang Pilipinas ay nakararanas ng isang matagalang hidwaang armado sa pagitan ng pamahalaan at ilang mga armadong grupong naglalayong itaguyod ang kanilang mga adhikain sa pamamagitan ng dahas.
Ang insurhensiyang ito ay nagdudulot ng hindi mabilang na pagdurusa sa ating mga kababayan, nagpapalala sa kahirapan, at nagiging hadlang sa pag-unlad ng bansa.
Nananatiling hamon ang usapin ng insurhensya sa atin.
Ang pag-aaklas at ang mga pagkilos ng mga armadong grupo ay nagdudulot ng kaguluhan, kawalan ng seguridad, at pagdurusa sa ating mga mamamayan.
Hindi na ito bagong isyu.
Ngunit sa kabila ng maraming taon nang pagsusumikap para sa kapayapaan, tila hindi pa rin natatapos ang usapin na ito.
Isa itong suliranin na kailangang harapin ng buong bayan. Nagiging hadlang ito sa pag-unlad ng ating bansa, sa pang-ekonomiya man o sa iba’t ibang aspeto ng lipunan.
Hindi maaaring magtagumpay ang isang bansa na nagiging saksi sa kaguluhan at hindi mapayapang pagtataguyod ng mga adhikain.
May mga lumalabas na dahilan kung bakit nagkakaroon daw ng insurhensya kung saan isa na rito ay ang mga suliraning panlipunan, tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at kawalan ng oportunidad para sa mas nakararami.
Hindi rin naman natin dapat kalimutan ang mahalagang papel ng pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan at sa pagsulong ng mga proyektong makatutulong sa kaunlaran ng buong bayan.
Noong nakaraang linggo, pinagkalooban ng amnestiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga rebelde, kabilang na rito ang mga dating kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Saklaw ng Proclamation Nos. 403, 404, 405 at 406 ang Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade; CPP-NPA-NDF; Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Ipinagkaloob ang amnestiya upang hikayatin ang mga rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan.
Gayunman, hindi sakop ng direktiba o amnestiya ang mga mabibigat na kaso o krimen.
Samantala, kamakailan din, isang makasaysayang kaganapan ang nangyari tulad ng pagtatapos ng hidwaan sa pagitan ng pamahalaan at NDFP.
Sa isang joint statement, kinilala ng parehong panig ang mga seryosong suliranin na kinakaharap ng ating bansa sa aspeto ng ekonomiya, kalikasan, at seguridad. Sa pamamagitan ng mapayapang pagsusulong ng kapayapaan, nagtataglay ito ng pag-asa para sa isang mas tahimik, mas maunlad, at mas nagkakaisang hinaharap para sa Pilipinas.
Gaya nga lang ng lahat ng makasaysayang pangyayari, ang pagtatapos ng hidwaang ito ay may kasamang hamon.
Sa pagtahak natin sa landas ng kapayapaan, mahalaga na tuklasin pa natin ang iba pang mga maaaring ugat ng insurhensiya sa bansa.
Ang kawalan ng oportunidad, kawalan ng katarungan, at iba’t ibang anyo ng hindi pagkakapantay-pantay ay ilan lamang sa mga sanhi ng pag-aaklas na kinakaharap natin.
Maliban dito, sa paghakbang patungo sa mas maaliwalas na hinaharap, mahalaga ang papel ng bawat isa sa atin.
Sa pagtutulungan at pag-unlad, maaari nating marating ang landas ng kapayapaan na matagal nang inaasam ng bawat Pilipino.