NAGDEKLARA ng amnestiya sa real property owners (RPOs) ang pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga delingkwenteng accounts kasabay ng panawagan na magbayad na bago mag-Disyembre 31, 2024 upang makaiwas sa pagbabayad ng penalties at interest na naipon mula sa kabiguan nilang magbayad ng tama sa oras.
Mayroong 120,000 RPOs ang kabisera ng bansa.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, kapag tapos na ang deadline ang mga nanatiling delingkwenteng ay pagbabayarin muli ng panibagong interests at ito ay sisingilin ng buo.
Nabatid mula kay City treasurer Jasmin Talegon na nagdeklara ang alkalde ng amnesty upang bigyan ng panibagong pagkakataon ang mga delinquent taxpayers na makabangon, dahil iniisip ng alkalde na ang dahilan ng kanilang kabiguang magbayad ay dahil sa hirap ng buhay dala ng pandemya kung saan di pa nakakabawi ang mga ito.
Ayon pa dito, ang amnesty ay nakasaad sa Manila Ordinance No. 9082 na pangunahing ini-akda nina Manila Councilors Philip Lacuna, majority floor leader Jong Isip, Jr. at Macky Lacson.
Ipinaliwanag ni Talegon na dati ang implementing rules ng Ordinance 9082 ay nagbibigay lamang ng amnesty sa mga accounts na hanggang Hunyo 2024 ngunit sa bagong ordinansa ay napalawig ito sa mga may delingkwenteng accounts hanggang Disyembre 2024.
Dahil dito, hinihimok ang lahat ng real property owners na magbayad dahil malayo ang mararating nga kanilang ibabayad sapagkat matutulungan nito ang pamahalaang lungsod na masustina ang mga proyekto sa social services, lalo na sa sitwasyon ngayon kung saan nasadlak sa P17.8 billion utang ang lungsod mula sa utang na iniwan.
Sinabi pa ng alkalde na maaaring magbayad sa Manila City Hall o online, via Go Manila app na dinisenyo para magbigay ng kombinyente sa mga taxpayers may na maaaring gawin ang pagbabayad sa bahay at hindi na kailangan pang bumiyahe.
VERLIN RUIZ