AMNESTIYA SA MGA REBELDE SUPORTADO NG NSC, NTF-ELCAC

SUPORTADO ng National Security Council at maging ng National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF-ELCAC) ang amnesty proclamations na inisyu ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layuning maisulong ang pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas sa pamamagitan ng komprehensibong peace initiatives.

Sa pahayag kahapon ni Usec. Ernesto Torres, Jr. Executive Director, NTF ELCAC, pinapurihan nila ang ginawang paglagda at pag apruba ng Pangulong Marcos sa Proclamations 403, 404, 405,and 406 para sa mga dating rebelde bilang patunay sa kagustuhan ng pamahalaan na pagkakaroon ng pagkakaisa , kapayapaan at hustisya tungo sa kaunlaran.

Ayon kay Torres, kanilang tutukan na mapabilis ang implementasyon ng mga nasabing Proclamations na nagkakaloob ng amnesty sa mga dating kasapi ng ibat ibang rebeldeng grupo.

“This is the moment that we all have been praying for our brothers and sisters who were blinded by their lost causes, particularly the Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) and the Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas (RPMP) to be formally reintegrated into mainstream society,” ani Torres.

Nakapaloob sa Proclamation No. 404 na, inisyu ng Pangulo ang pagbibigay ng pardon o amnesty sa mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na nakagawa ng krimen na ang parusa ay batay sa Revised Penal Code and Special Penal laws.

“We thank the President for always walking the talk with a clear vision rooted in the principles of reconciliation and unity,” diin ni Torres.

Kaugnay nito, nanawagan din si National Security Adviser Secretary Eduardo Año sa mga rebelde na samantalahin ang “once in a llifetime” na alok na kapayapaan at amnestiya ng Pangulong Marcos.

Pinasalamatan ni Sec Año ang Pangulo sa kanyang dedikasyon at pangako na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at umaasa sa positibong ibubunga ng ipinagkakaloob ng amnestiya sa ating Lipunan.

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang isang executive order at ilang proclamations na nagbibigay ng amnestiya o pardon sa mga rebelde para mahikayat na magbalik-loob sa pamahalaan.

Ang EO No. 47 ay pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Nobyembre 22 at inamyendahan bilang Executive Order No. 125, series of 2021, o ang pagbubuo ng National Amnesty Commission (NAC).

Ang commission ay binuo sa ilalim ng EO No. 125 kung saan ipagpapatuloy nito ang functions at idi- dissolve kapag nakumpleto na ang kanilang mandato o depende sa desisyon ng pangulo.

Batay naman sa Proclamation No. 403, inaprubahan ng Pangulo ang amnestiya para sa mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas.

Sila ay nakapag-commit ng krimen na may parusang kakaharapin sa ilalim Revised Penal Code and Special Penal Laws.

Hindi naman sakop ng proclamation ang mga rebeldeng nakagawa ng kidnap for ransom, massacre, rape, terrorism, crimes committed against chastity.

Maging crimes committed for personal ends, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa Geneva Convention of 1949, at genocide, crimes against humanity, war crimes, torture, enforced disappearances, at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Inaprubahan din ng Pangulo ang Proclamation Nos. 405 at 406 na nagbibigay din ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), na nahaharap sa kasong Revised Penal Code at Special Penal Laws to Advance to Political their Beliefs. VERLIN RUIZ