AMNESTIYA SA REAL PROPERTY TAX PINALAWIG

PINALAWIG pa ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang tax amnesty sa pagbabayad ng deadline para sa mga real property tax (RPT) ng hanggang Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.

Ito ay napag-alaman kay City Treasurer Emil Tecson na nagsabing ang tax amnesty para sa mga delinquent taxpayers na pinalawig ng hanggang Hunyo 30 ay isakakatuparan base sa ordinansa ng lungsod na inaprubahan sa Sangguniang Panglungsod ng mga konsehal nitong Marso 3.

Sinabi ni Tecson na ang lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng public auction ng mga ari-arian nitong Nobyembre ng nakaraang taon ng mga hindi nakabayad ng kanilang buwis sa kabila ng pagbibigay ng palugit sa tax amnesty.

Ayon pa kay Tecson, ito ang ikalawang pagkakataon na nagkaloob ng tax amnesty ang lokal na pamahalaan kung saan ang naunang tax amnesty ay ipinagkakaloob nito lamang Disyembre 2021.

Sinabi naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng kabuuang P8-bilyong budget dahil sa paggamit ng isang pamamaraan ng maayos at mapagkakatiwalaang koleksyon ng buwis.

Dagdag pa ng alkalde na noong nakaraang taon ang lokal na pamahalaan ay may P7.9-bil­yong budget sa kabila ng nararanasang epekto ng pandemya na dulot ng COVID-19 sa lungsod ay naiangat pa ito ni Tecson ng hanggang P8-bilyon.

Paliwanag pa ni Calixto-Rubiano na ilan sa mga empleyado ng City Treasurer’s Office ang inilipat sa ibang dibisyon makaraaang madiskubre ni Tecson ang mga ito na sangkot sa korapsyon tulad ng pakikipagsabwatan sa ilang business taxpayers sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ