SIMULA na sa Abril 24 ang pinakaaabangang amnestiya sa mga delinquent taxpayer, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ang Revenue Regulations (RR) 4-2019 na may petsang April 5 at nilagdaan nina Finance Secretary Carlos G. Dominguez III at Internal Revenue Commissioner Caesar R. Dulay ay inilathala sa isang pahayagan na may general circulation, kahapon.
Ayon kay BIR Deputy Commissioner Marissa O. Cabreros, magkakabisa ito pagkalipas ng 15 araw o sa Abril 24.
Ang Republic Act (RA) No. 11213 o ang Tax Amnesty Act of 2019 ay nagkakaloob ng kauna-unahang amnestiya sa delinquencies sa bansa.
Sakop nito ang lahat ng national taxes—capital gains tax, documentary stamp tax, donor’s tax, excise tax, income tax, percentage tax, value-added tax (VAT), at withholding tax para sa taxable years 2017 at mga naunang taon.
Sa ilalim ng RA 11213, ang delinquencies at assessments na naging final at executory ay magkakaroon ng amnesty rate na 40 percent ng basic tax assessed.
Papatawan naman ng amnesty rate na 50 percent ang tax cases na wala pang final judgment mula sa korte.
Samantala, ang amnesty rate na 60 percent ay ipapataw sa mga nakabimbing criminal case na may criminal information na nakasampa sa Department of Justice (DOJ) o sa mga korte para sa tax evasion at iba pang criminal offenses sa ilalim ng Tax Code, mayroon man o walang assessments na inisyu.
Comments are closed.