PORMAL nang nagsampa ng reklamo ang CSB cagers laban kay John Amores ng Jose Rizal University kahapon dahil sa pananakit at pagbato ng mga suntok sa bench ng Blazers na tumama sa hindi bababa sa 4 sa mga manlalaro.
Kinilala ang CSB players na sina Mark Sangco, Jimboy Pasturan, Taine Davis at Migs Oczon.
Sina Pasturan at Davis na tinamaan sa mukha ay kinasuhan si Amores ng serious physical injuries sa harap ng San Juan City’s Office of the Prosecutor kasama ang kanilang coach na si Charles Tiu at mga abogado.
“Bilang Alkalde at dating atleta at basketball player, mariin kong kinokondena ang karahasang naganap na salungat sa diwa at pakikipagkaibigang itinataguyod ng mga sporting event tulad nito, ” pahayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora.
“Anuman ang matinding emosyon mula sa laro at provokasyon mula sa iba, ang mga atleta ay inaasahang mapanatili ang tamang kagandahang-asal sa lahat ng oras at magpakita ng biyaya sa ilalim ng presure” dagdag pa nito.
Naganap ang pambubugbog ni Amores sa nawawala ng minuto ng laro ng CSB at JRU ng NCAA nitong Nobyembre 8 sa Filoil Flying V Arena sa San Juan City, ang laro ay pinahinto ng mga opisyal ng NCAA upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente sa 3:22 minuto ang natitira at idineklara ang Blazers bilang panalo na may 71-51 puntos.
Mabilis na tumugon ang mga opisyal ng pulisya ng San Juan sa gulo at nanatiling nakahanda sa pinangyarihan na tinitiyak ang kaligtasan at seguridad.
“Ang NCAA ay may sariling mga batas at sumusunod sa isang mahigpit na code ng pag-uugali para sa mga manlalaro, opisyal at kawani nito. Mayroon din silang set ng mga operational procedure para sa anumang mga pangyayari, sa pamamagitan ng convention, ang mga insidenteng tulad nito sa isang sporting event ay nireresolba ng mga team at ng mga organizers,” ani Zamora. ELMA MORALES