AMORES KINASUHAN NG PHYSICAL INJURIES

NAGSAMPA na ng reklamo sina Jimboy Pasturan at Taine Davis ng College of St. Benilde laban kay John Amores ng Jose Rizal University.

Ang dalawa na sinamahan ni CSB head coach Charles Tiu ay humarap sa San Juan Prosecutor’s Office upang maghain ng serious physical injury complaints laban sa JRU cager.

“For us, we want to protect our players more than anything. We’re a family here and we felt after multiple incidents with the same person, no matter what, he has to be accountable for his actions,” pahayag ni Tiu sa media.

“We asked the players to give their forgiveness and understanding for what happened, thankfully they do. Despite that, we have to be liable to the consequences of what we’ve done that’s why they’ve decided to file, not just for our team but for the sake of all the parties involved even in the past,” dagdag pa niya.

Sina Pasturan at Davis ang dalawang players na tumumba nang sapakin ni Amores sa kanyang pag-aamok na nagresulta sa indefinite suspension ng JRU player sa NCAA.

May kabuuang 14 players mula sa JRU at Benilde ang sinuspinde dahil sa gulo.

Ito na ang ikalawang kaso ni Amores makaraang ireklamo siya ng University of the Philippines sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa panununtok kay Mark Gil Belmonte sa isang preseason tournament.