INALIS na ng Jose Rizal University (JRU) si John Amores sa basketball team ng Heavy Bombers kasunod ng pag-aamok ng kontrobersiyal na player sa kanilang laro kontra College of St. Benilde sa NCAA men’s basketball tournament noong nakaraang liinggo.
Sa isang statement, sinabi ng JRU na si Amores, na naunang pinatawan ng indefinite suspension ng NCAA at ng unibersidad, ay binawalan ding lumahok sa anumang sports program ng eskuwelahan.
“After a thorough evaluation, the board is convinced that additional sanctions should be imposed against him as part of the internal processes on discipline observed by the school,” nakasaad sa statement.
Bukod dito, sinabi ng JRU na bumuo ito ng mental health program para sa kanilang student-athletes upang tugunan ang mga hamon na kanilang kinakaharap sa sports, academics o personal issues man.
Habang sumasailalim sa counseling, si Amores ay kinakailangang magsagawa ng community service habang pinagsisilbihan ang kanyang suspensiyon sa pag-aaral.
Si Amores ay nahaharap din sa kasong physical injury na isinampa nina CSB players Jimboy Pasturan at Taine Davis sa San Juan Prosecutor’s Office.