AMORES TINANGGALAN NG LISENSIYA NG GAB

HINDI na makapaglalaro si Filipino basketball player John Amores sa Philippine Basketball Association (PBA) at sa iba pang professional leagues sa bansa makaraang alisan siya ng lisensiya ng Games and Amusement Board (GAB).

Ibinaba ng GAB ang desisyon nito makaraang makumpleto ang imbestigasyon nito sa pagkakasangkot ni Amores at ng kanyang kapatid sa pamamaril sa Lumban, Laguna noong nakaraang September kaugnay sa umano’y hindi pagbabayad ng pusta sa isang laro sa basketball.

Ang dating Jose Rizal University stalwart ay napatunayang guilty sa ”conduct unbecoming of a professional basketball player.”

“The respondent’s license is revoked effective immediately,” pahayag ng government regulatory body para sa professional sports sa memo nito na nilagdaan ni Chairman Francisco Rivera.

“Accordingly, the respondent is no longer allowed to participate in any professional basketball game sanctioned by the board.”

Lumagda rin sa desisyon sina Commissioners Manuel Plaza III at Angel Bautista.

Si Amores at ang kanyang kapatid na si John Red ay nahaharap sa kasong frustrated homicide makaraang barilin umano ng player ang isang nagngangalang Lee Cacalda Lumangaya kasunod ng isang pick-up game na may P4,000 pustahan noong nakaraang Sept. 25 sa Laguna.

Ang magkapatid na Amores ay kasalukuyang nakalalaya matapos magpiyansa.

Ang arraignment at pre-trial ay itinakda noong nakaraang Dec. 4.

Bago pa man tanggalan ng lisensiya ng GAB, si Amores ay sinuspinde ng PBA kung saan hindi siya pinapayagang umupo sa bench, manood ng laro, at maglaro para sa Batang Pier sa Commissioner’s Cup.