AMOY NG PASKO

Naaamoy mo ba ang puto bumbong at bi­bingka sa gilid ng kalsada malapit sa Simbahan? Handa na kasi ang mga tindero at tindera. Nakahanda na ang tradisyonal na holiday rice cakes — ang puto bumbong at bibingka — na bida kung Dis­yembre sa kalsada dahil paboritong mir­yendahin o almusalin ng mga nagsisimbang gabi.

Kung isa ka sa mga nagpipilit na mabuo ang siyam na misa sa Simbang Gabi, hindi kataka-takang nalalanghap mo rin ang bagong lutong bibingka at puto bumbong. Bahagi ito ng kabataan ng kahit sinong Filipino na isinilang sa Pilipinas. Sabihin na­ting “matamis na alaala.” Matamis naman kasi talaga, literally and figuratively.

Naaalala mo pa bang noong araw, pagkatapos ng bawat Misa de Gallo, hindi muna kayo uuwi. Kakain muna kayo ng puto bumbong at bi­bingka na may libre pang tsaa. Tradisyon yan, at mas masarap ang luto sa bangketa kesa dun sa nabibili sa restaurant na may margarine at keso. Mas gusto ko ang traditional rice cakes na may niyog at asukal na muscovado, na binalot sa dahon ng saging. Minsan, nagpapabalot pa tayo ng ilang piraso dahil masarap din siya pag may kasamang hotta socolata (hot chocolate) na gawang Batangas. As a child, kaya kong umubos ng limang puto bumbong sa isang upuan at limang tasa rin ng tsaang dahon ng avocado at pandan. Pero ngayon, dalawa hanggang tatlo na lang.

Of course, meron pang ibang Christmas kakanin tulad ng sinukmani, pirurutong, pa­li­rosdos at iba pa, pero puto bumbong at bibingka talaga ang bida kung December. Kung bakit? Ewan! Basta nakagawian na iyan tuwing Filipino holiday season. Kahit nga sa abroad, pinipilit gayahin ng mga Pinoy ang tradisyong ito. December 16 hanggang 24, makakabili ka ng authentic puto bumbong at bibingka, pero sa ibang okasyon, wala kang mabibili, liban na lamang kung may kilala kang gumagawa ng puto bumbong at mag-o-order ka.

Totoo, ang bibingka at puto bumbong ay hindi lamang panghain sa holiday table. Storyteller din sila na nagkakahad ng ating pagka-Filipino.

Nenet Villafania