ISINUSULONG ni Senador Robin Padilla ang pagkuha ng Multi-Purpose Amphibious Aircraft (MPAA) para sa Philippine Navy para maiwasang maulit ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Padilla na makakatulong ang mga MPAA sa iba pang misyon kabilang ang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), Search and Rescue (SAR) sa dagat, at surveillance.
“Makakatulong po ang MPAA sa mas mabilis na pagsasagawa ng supply mission na hindi na mangangailangan pa ng escort at hindi mabibinbin sakaling may mga humarang sa ating mga watercrafts,” sinabi ni Padilla sa kanyang privilege speech.
Ang mga amphibious na sasakyang panghimpapawid ay maaaring lumipad at lumapag sa lupa at tubig, sinabi niya.
Ipinunto ni Padilla na habang ang kasalukuyang resupply mission gamit ang sasakyang pantubig ay maaaring abutin ng isang araw at kalahati bago makarating sa BRP Sierra Madre, magagawa ito ng MPAA sa loob ng lima hanggang walong oras.
“Malaki po ang magiging tulong ng aircraft na ito sa pagpapatrolya hindi lamang sa Dagat Kanluran ng Pilipinas, kundi pati na rin sa iba’t-ibang isla ng ating bansa,” ayon sa senador.
LIZA SORIANO